Sunday, July 27, 2008

ESTABLISIMENTO, INIREKLAMO NG OSCA

San Pablo City – Nakasalalay ang kapalaran ng mga senior citizen ng lunsod na ito sa reklamong iniharap ng Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) sa piskalya laban sa isang Clinical Laboratory hinggil sa diumanong hindi pagkakaloob ng nasabing establisimento ng 20% discount sa mga customer na nakatatanda.

Ang usapin ay isinampa ni OSCA Chairman Ret. General Hilario Cornista batay sa sariling karanasan sa DBD Clinical Laboratory kung saan ay nabigong tuparin ang ipinag-uutos ng RA 9257 o Expanded Senior Citizen Act of 2003 partikular ang pagbibigay ng 20% discount sa mga nakatatanda sa mga produkto o serbisyong babayaran ng mga senior citizens.

Isinalaysay ni Cornista na kinailangan niya ang serbisyo ng naturang laboratoryo para sa kanyang urine culture test noong Hulyo 23 taong kasalukuyan, kanya rin aniyang napag-alaman na ang standard fee ay P650 at palibhasa’y masama ang pakiramdam ay ipinadala na lang niya sa kanyang may-bahay ang letter of authorization at ID bilang senior citizen upang makakuha ng discount.

Laking pagtataka ni Cornista nang marinig buhat sa kanyang maybahay na hindi ito pinahalagahan ng nasabing establisimento sa kabila na siya mismo ang pinuno ng mga senior citizen sa lunsod. Bilang patotoo ay ipinirisinta pa ng dating heneral ang resibo sa halagang P650 katunayang hindi siya napagkalooban ng diskwento.

Kasalukuyang pinag-aaralan pa ng piskalya ang nasabing reklamo upang determinahin kung may probable cause batay sa isinumiting counter affidavit mula sa inirereklamong laboratoryo. Inaabangan na ng mga samahan ng senior citizen sa lunsod ang kahihinatnan ng usapin sapagkat ito anila ay isang test case na susubok sa bisa ng RA 9257. (NANI CORTEZ)

No comments: