Los Baños, Laguna - Ligtas nang masasagot ang katanungang bumabalot sa lumubog na MV Princess of the Stars sa pamamagitan ng isang robot na gawa ng imbentor na Pilipino na may kakayanang sumisid at magsuri sa alin mang bahagi ng naturang barko.
Ang underwater robot na may gawad meritong pang teknolohiya mula sa Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development (PCAMRD) ay may kakayanang tumagal ng tatlong oras sa 100 metro hanggang 1,000 metro na lalim ng karagatan, at angkop sa mga search and rescue operation o sa pagmo-monitor ng kalagayan sa loob o labas man ng barko.
Pinagagalaw sa pamamagitan ng remote control, ang robot ay may sangkap na video camera at sistema ng pagpapa-andar kung kaya’t nagagalugad ang nais makita at tuklasin habang ang kontroler nito ay pinanonood ang video footage na itinatala sa LCD screen.
Dinisenyo ni Michael Poblete at nabuo makalipas ang tatlong taon para sa pananaliksik ng PCAMRD, ang robot ay may kakayanan ding hanapin ang butas sa mga underwater pipeline upang malaman ang bahaging kukumpunihin para maiwasan ang chemical at oil spill.
Ang imbensyong ito ay may mga ilaw na pinaliliwanag ng rectifier, nagtataglay ng NTSC video output at makinang rocket-type na umaandar sa pamamagitan ng truck battery.
Sinabi ni Poblete na naisip niyang likhain ang naturang robot, na kanyang binansagang Angel One mula sa nangyaring Oil Spill sa Guimaras kung saan ay gumastos ang gobyerno ng P20 Milyong piso sa rental ng remotely-operated vehicle sa bansang Japan. (NANI CORTEZ)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment