Thursday, July 31, 2008

GALLONER'S CLUB, BINUO

San Pablo City - Sa pagwawakas ng Blood Donors Month ngayong buwan ng Hulyo ay pormal na binuo ang Galloners’ Club ng Philippine National Red Cross (PNRC) San Pablo City Chapter sa layuning mapasigla ang paghahandog ng dugo bilang makabuluhang ambag ng isang indibidwal sa lipunan.

Mayroong itong 23 kasapi at natalaga bilang pangulo ng samahan si Dr. Emmanuel Loyola ng naturang lunsod.

Ang isang kasapi ayon kay Chapter Administrator Dorie Cabela ay kinakailangang nakapaghandog na ng hindi kukulangin sa isang galong dugo na karaniwang maaabot kung ang donor ay walong beses nang nag-donate ng dugo.

Normal na kinukunan ang isang blood donor ng hanggang 500 cc sa bawat extraction na maaaring isagawa sa tuwing maka-ikatlong buwan.

Hinikayat ni Loyola ang mga nagtataglay ng wastong kalusugan na ugaliing maghandog ng dugo sa Red Cross blood bank sapagkat ang mahalagang alay na ito ay tutungo sa iisang pakay na makapagligtas ng buhay.

Tiniyak pa ni Loyola na ang dugong naibahagi ay magagamit na pandugtong buhay at may posibilidad aniya na ang buhay na tinutukoy ay sa mismong blood donor. (NANI CORTEZ)

No comments: