“PAG NUTRITION, POPCOM” – Ngayon buwan ng Hulyo ay ipinagdiriwang natin ang Nutrition Month. Ano ba ang ibig ipakahulugan nito at ano ang kahalagahan ng POPCOM na siyang tanggapang nangangalaga dito? Sa paanong paraan sila nakatutulong sa sambayanang San Pableño? Ano ang tungkulin ni Popcom Chief Vic Mercado?
Himayin natin ang mga katanungang nabanggit sa pamamagitan ng katanungan din na kung ano ang mangyayari sa isang indibidwal kung puro carbohydrates ang kanyang kakainin? Pinaka-mababa dito ay ang posibilidad na siya ay maging butusin sapagkat hindi naging balance ang sustansyang pumapasok sa kanyang katawan.
Ganito rin ang epekto sa tao kung palaging junk foods ang kinakain ng isang tao partikular ang mga batas na may balance diet na talagang idinesenyo upang maging bahagi ng kanyang eating habits. Ito ang tungkulin ng Popcom na masusing binabantayan ni Popcom Head Vic Mercado. Sabi nga nila noong mga nakaraang taon na “Kumain ng Right, Upang maging Bright!”
“SOSYAL NA KALAGAYAN PARA SA OSWD”- Kung sosyal na kapakanan naman ng mga bata, mga may kapansanan at mga biktima ng pang-abuso ay sagot na ng Office of Social Welfare and Development (OSWD). Maingat itong itinataguyod nina Grace Adap at mga masisipag niyang kasamahan.
May direkta silang pananagutan sa mga street children na naglipana kung saan-saan. Sila ang umiisip ng mga paraan upang maipaunawa sa kanila ang tamang landas para sa magandang bukas. Nagsisilbi silang giya upang ang mga kabataang ito ay hindi mangaligaw na kahalintulad ng kawang pinangangalagaan ng pastol.
Ganyan din ang kanilang mandato sa mga may kapansanan at biktima ng pang-aabuso. Binibigyan nila ito ng lakas ng loob upang mabanaagan ang tunay na kulay ng buhay. Wala masyadong pumapansin sa kanilang tanggapan ngunit sa angkop na pagkakataon ay doon lang makikilala ang kanilang kahalagahan. Para sa mga nangangailangan ng tulong ang pasasalamat ay hanggang doon na lamang.
“PANGKALAHATANG KALUSUGAN, ABA KAY DR. JOB NA YAN” - Ito ay sapagkat ang City Health Office (CHO) sa pamamahala ni Dr. Job Brion ang naatasang mangalaga sa kalusugan ng mga San Pableño, maging sila man ay bata o matanda, may sakit o wala – dahil ang CHO ang higit na nagpapahalaga sa preventive measures upang makatiyak na walang sasapit na epidemya.
Ang kanilang tungkulin ay hindi lamang limitado sa mga nabanggit dahil upang masiguro na maitataguyod ang kalusugan ng buong komunidad ay aktibo sila sa pagsusuri at pananaliksik upang mabatid ang mga negosyong lumalabag sa health code ng lunsod. Ang mga tindahan, restaurant, turo-turong kainan at iba pang kahalintulad na establisimyento ay kanilang sinisiyasat bago mabigyan ng permit to operate.
May kakaiba rin silang tungkulin tulad ng sa mga uri ng nocturnal business na beer houses at karaoke bars. Ipinasasara nila ang mga hindi kumukuha ng health permit. Sakop din nila ang operasyon ng mga punerarya, libingan at marami pang iba na maaring panggalingan ng mga sakit na nakakahawa.
Ang CHO sa pag-aakala ng marami na walang ginagawa kung walang pasyente ay nagkakamali sapagka’t ang isa pang tungkulin ng kanilang tanggapan hangga’t maaari ay huwag pahintulutan ang mga virus na makadapo kaninuman upang maiwasan ang karamdaman. (SANDY BELARMINO)
Thursday, July 3, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment