Thursday, July 17, 2008

HIGH YEILDING SEEDS, AGARANG TUGON NI REP. IVY ARAGO SA FOOD SECURITY

San Pablo City - Tatlong daang sako ng high grade certified palay seeds ang ipinamahagi sa 47 barangay ng Tanggapan ni Laguna 3rd District Rep. Ma. Evita R. Arago sa pakikipagtulungan ng Kagawaran sa Pagsasaka (DA) sa ilalim ng programa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para sa food security ng bansa dito kahapon ng umaga.

Ang binhi na may RC 128 variety ay dumaan sa pag-aaral ng DA at nasubok na ang katangian sa pagbibigay ng mataas na ani sa bawat ektarya ng lupang sakahan kung kaya’t isa itong katiyakan bilang tugon sa hinaing ng mga magsasaka sa ikatlong purok ng lalawigan..

Magugunitang lumitaw ang suliranin ukol sa mahinang ani sa pakikipag-talastasang isinagawa ni Cong. Arago sa delegasyon ng mga magsasaka ng ikatlong distrito nang nakaraang linggo, kasabay ng pagbibigay kahilingan sa mambabatas na iparating sa DA ang nasabing suliranin bilang kanilang kinatawan.

Ang paunang 300 sako ng RC 128 binhing kaloob ng DA ay ibinigay ni Arago sa bawat bayan at barangay sang-ayon sa lawak ng lupang pang-sakahan. Limang barangay sa Rizal ang tumanggap ng 30 sakong binhi; Liliw, 19 barangays, 95 sako; Calauan, 11 barangay, 55 sako; San Pablo City, 3 barangay, 30 sako; at Victoria, 9 na barangay, 90 sako ng binhi. Ang bayan ng Victoria ang pinakamalaking rice producer sa buong lalawigan.

May nakatakda pang dumating na binhing palay para sa mga bayan at barangay pang hindi natatapos ang anihan ayon na rin sa isinagawang representasyon ni Cong. Arago sa DA at bilang agarang tugon ng kanyang tanggapan sa suliraning idinulot ng nagdaang kakulangan ng pagkain. (SANDY BELARMINO)

No comments: