San Pablo City - Matapat na karanasan sa larangan ng public service na papawi sa hinampo ng kanyang mga kababayan ang dala ni dating Gobernador Joey Lina sa kanyang pagbabalik sa lalawigan. Ito ang buod ng pagtitipong inihanda ng kanyang mga kaibigan sa G & E Resort and Restaurant lunsod na ito kahapon ng gabi na pinaunlakan ng dating provincial executive.
Si Lina ay gobernador muna ng Metro Manila Commission, dalawang termino bilang senador bago nahalal na punong lalawigan ng Laguna susi upang makamit ng nasabing probinsiya ang ibayong kaunlaran. Bilang pangulo ng League of Governors of the Philippines at founding president ng ULAP (Union of Local Authorities of the Philippines) ay nagawa niyang ipaglaban ang karagdagang P30 bilyong pisong share ng mga lokal na pamahalaan sa Internal Revenue Allotment (IRA).
Ang kasanayan sa lokal na pamamahala ang naging dahilan upang matalaga ang gobernador bilang kalihim ng Dept. of Interior and Local Government (DILG) noong 2001. Ipinalagay ito ng ilan na tinalikuran niya ang probinsya ayon kay Lina subalit bilang DILG secretary at concurrent chairman ng Dangerous Drug Board at NAPOLCOM ay naitala ng pamahalaan ang paborableng resulta sa kampanya laban sa iligal na droga at nadisiplina ang mga tiwali sa hanay ng pulisya.
Yaman sa karanasan at tindi ng natutunan sa DILG ang muling magbabangon sa Laguna dugtong pa ni Lina. Ang lahat ay may kalutasan tulad ng makabagong pamamaraan sa pagsasaka upang maging self-sufficient sa ani ang probinsya, pagpapaunlad ng turismo para maresolba ang unemployment, ganoon din aniya ang manufacturing at pagpapalaganap ng livelihood projects upang magkaroon ng karagdagang kita ang mga taga-Laguna.
Ang kailangan lang aniya ay maging creative ang isang lider at nasa wastong pagtantiya sa lahat ng bagay.
Sinariwa pa ng dating gobernador na sa kabila ng maliit na income ng probinsya ay naipagawa niya ang mga daan, eskwelahan, pagamutan at maging mga palaruan sa buong lalawigan na walang inaalalang utang. Ito ang kailangan ayon pa kay Lina upang magtamasa ng tunay na kaunlaran.
Kaya aniya ay patalinhaga niyang sinabing: ”hindi pwede ang pwede na sapagkat ang pwede na’y hindi pwede, gawin ang nararapat, na ang pag-unlad ng Pilipinas ay sa Laguna magmumula”. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment