Camp Vicente Lim, Calamba City - Dinumog ng maraming aplikante ang Mega Jobs Fair na itinaguyod ng Calabarzon PNP at lunsod na ito na nilahukan ng humigit kumulang na 40 kompanya buhat sa rehiyon at kamaynilaan kahapon.
Nagsimula ganap na 6:00 ng umaga at tumagal ng 3:00 hapon ang naturang jobs fair ay tinatayang nakaalalay sa mahigit isang libong aplikante na nagbuhat sa mga barangay sa paligid ng kampo sa lunsod na ito at mga karatig bayan ng Cabuyao, Sta. Rosa, Biñan, San Pedro at Los Baños kung saan marami ang agad na nakatagpo ng empleyo.
Ang proyekto ay kaugnay sa pagdiriwang ng PCR (Police Civil Relation) Month na pinangungunahan ni P/S Supt. Nestor Pastoral at mga Mamang Pulis sa rehiyon sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lunsod na kinatawan ni PESO (Public Employment Services Office) Chief Peter C. Capitan at buong staff.
Bago idaos ang jobs fair ay nakipagtalastasan na ang PCR sa mga komunidad upang masiguro ang tagumpay na makakamit ang target na bilang ng mga naghahanap ng trabaho, samantalang ang PESO ang nakipag-ugnayan sa mga kompanyang nagnanais mangalap ng mga manggagawa.
Kaugnay nito ay itinagubilin ni P/C Supt. Ricardo Padilla, Calabarzon PNP Chief, sa kanyang mga tauhan ang lubusang pakikiisa at pagtulong sa jobs fair upang maipamalas sa publiko na hindi lang nakatuon sa pangkatahimikang aspeto ang gawain ng mga Mamang Pulis. (NANI CORTEZ)
Saturday, July 26, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment