Saturday, July 12, 2008

KABUHAYAN BUHAT SA KAWAYAN NG LLDA

San Pablo City – Isang power-point lecture na may pangkabuhayang paksa ang personal na isinagawa ni Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Edgardo C. Manda na ang konsepto ay pagpaparami ng punong kawayan upang malabanan ang lumalalang global warming, sa harap ng mga bagong opisyal ng Seven Lakes Integrated Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC) kahapon sa lunsod na ito.

Ang lecture na dinaluhan rin nina City Mayor Vicente B. Amante at Rizal Mayor Rolen Urriquia ang tumatalakay sa siyensya ng pagpapatubo ng kawayan, wastong pag-aalaga at mga pakinabang na makukuha dito mula sa pinakamaliit na pagsasangkapan hanggang sa mahalagang papel nito sa kalikasan at reporestasyon ng bansa.

Ayon kay Manda, ang kawayan palibhasa ay isang uri ng damo ay madaling buhayin katunayan aniya ay tumutubo na ito tatlong linggo makaraang itanim, at tatlong buwan ay may mga ready buyers nang landscapers at ornamental plants dealers.

Hinikayat ni Manda ang FARMC na humanap ng gagawing nursery upang makapag-punla ng maramihan at nagbigay katiyakan na bibilhin ng LLDA ang bawat seedlings na mapalalago ng samahan upang itanim sa mga kalbong bundok ng bansa panlaban sa global warming.

Ipinag-utos ni Mayor Amante sa kanyang city agriculturist na alalayan ang FARMC sa bamboo propagation upang magkaroon ang mga ito ng karagdagang kita bukod sa pangingisda sa pitong lawa ng lunsod. (NANI CORTEZ)

No comments: