San Pablo City - Umabot sa humigit kumulang sa isang kilometro ang protest march na “Walk for Life” na pinangunahan ng Knights of Columbus ng San Pablo at Church Oriented Organization bilang pagtutol sa House Bill 5043 dito kahapon ng umaga.
Hayagang kinondena ng mga lumahok sa martsa ang nasabing bill sapagkat tuwirang sumasalangsang sa aral ng Panginoon bukod pa sa mga mapaniil na probisyon na taglay ng panukalang batas.
Sakaling maging ganap na batas ay ipinag-uutos ng HB 5043 ang pagsusulong ng population control sa kaparaang tinutulan ng simbahan sapagkat immoral at bukas sa posibilidad na humantong sa legalize abortion.
Ayon kay Grand Knight Jehu Sebastian ay may mga probisyon ang HB 5043 na lumalabag sa tadhanain ng Saligang Batas partikular sa Section 12, Article II na nagsasaad na dapat kilanlin ng istado ang sanctity ng family life.
Nagsimula at nagtapos ang martsang Walk for Life sa Liceo de San Pablo Gym sa pamamagian ng banal na misa na pinangunahan ni Monseñor Leo Drona at buong kaparian ng Diocese, at palatuntunang dinaluhan ng mga pro-life advocates, propesyunal, manggagawa at mga mag-aaral.
Kinatawan nina Gob. Teresita Lazaro, SBM Karen Agapay, BM Rey Paras, Vice-Mayor Martin Ilagan at City Administrator Amben Amante ang panig ng pamahalaan.
Ang House Bill 5043 ay kasalukuyang tinatalakay pa sa Mababang Kapulungan kung kaya’t ang Knights of Columbus ay nananawagan sa taumbayan na gisingin ang kanilang mambabatas at hikayatin ang mga ito na tumutol sa panukala sa plenaryo ng kongreso. (nani cortez)
Monday, April 20, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment