Monday, April 20, 2009

8/8 sa GAT TAYAW TSINELAS FESTIVAL

Liliw, Laguna - Kapapalooban ng walong (8) araw na selebrasyon ang ika-8 Liliw Gat Tayaw Tsinelas Festival bilang simbolikong pagbibigay diin sa temang Turismo at Produkto katulong sa Pag-asenso ng naturang pagdiriwang.

Nakatakdang simulan ang pestibal sa Abril 25 na tatagal hanggang Mayo 2 sa bayang ito.

Ayon kay Mayor Cesar Sulibit ay ang nakagawiang Banal na Misa ang magbubukas ng programa at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Gat Tayaw kasunod ng parada sa kabayanan. Sa opening night ay “Liliweños in Concert ng Sangguniang Kabataan kaakibat ng fire works display.

Kada hapon ay may street dancing competition and exhibition samantalang may gabi-gabing pagtatanghal at panooring masasaksihan ang bawat bisita, tulad ng Gabi ng magtsitsinelas, DSL Night, Stand up Comedy, Congresswoman Ivy Arago Night, Street Party at Search for Mutya ng Liliw sa huling araw ng pagdiriwang.

Idinugtong pa ni Sulibit na layunin ng pestibal na tulungan ang kanyang mga kababayan na maisulong ang kabuhayan at kultura, matanghal ang industriya ng tsinelas bilang pangunahing hanapbuhay at gawing tourist destination ang bayan ng Liliw. Kaugnay nito ay nakatakdang pasinayaan ang bantayog ng higanteng tsinelas sa nalolooban ng pestibal.

LILIW-LILIO-LILIW

Ang alindog ng Bayan ng Liliw ay kasingyaman ng kanyang kasaysayan, dahil ito ay masasabing lupang pinili upang gawing pamayanan, at isa ito sa mga pinaka-matandang bayan ng kapuluan. Naitatag ito ni Gat Tayaw noong 1571 na sang-ayon sa tala ay makaraan ang mahabang paglalakbay dulot ng sinaunang paniniwala.

Bawat lugar na himpilan ni Gat Tayaw ay nagtutulos siya ng kawayan upang padapuan ng ibon, subalit sa ilang pagkakataon ay hindi sumasangayon sa kanyang inaasahan. Hindi siya nagtugot sa paghahanap ng lupain at paglalakbay hanggang marating ang lambak, na mula sa itinulos na kawayan ay may dumapong kay gandang ibon na humuhuni ng LIW…LIW…LIW.

Buhat doon ay natatag ang Bayan ng Liliw kaalinsabay ng sariling kultura na naratnan na ng mga kastila. Pinalitan ito ng LILIO sa pananakop ng mga Amerikano dahilan sa nahihirapang silang banghayin ito. Subalit binawi ng mga Liliweños ang kanilang sariling identity, kayat noong Hunyo 11, 1965 sa resolusyong pinagtibay ng Municipal Council ay muling nabalik ang bayan ng LILIW.

TSINELAS LILIW, PAANO NAGSIMULA?

Tanyag ang Liliw sa dalisay at malalamig na batis, katunayan ay kaingit-ingit ang sinaunang sewerage ng bayan na animo’y sapa na dinadaluyan ng malinis na tubig buhat sa kabundukan.

Isa rin ang bayang ito sa pinagkukunan ng mga produktong agrikultural ng lalawigan at ang tanong marahil ay bakit tsinelas at saan ito nagmula?

Sa kakulangan ng tala sa ginawang pananaliksik ay kinapanayam ng pahayagang ito ang ilang nakatatandang Liliweño. Marami ang hindi nakababatid paano nagsimula ang industriya ng tsinelas sa Liliw at may mangilan-ngilang nag-ambag ng nalalaman. Iisa ang nakatitiyak, nagsimula ang industriya humigit-kumulang 60 taon na ang nakararaan.

Makaluma diumano ang pamamaraan sa paggawa ng mga tsinelas pambahay nang ito’y umpisahan ng Pamilya Dimacera, na pispis ng niyog ang pangunahing sangkap. Sa pagdaan ng panahon ay nakaramdam ang pamilya ng kasalatan ng supply sa raw materials hanggang magpasyang tumigil sa paggawa ng tsinelas, subalit ito’y makaraang may ilan silang maturuan sa pagbuo ng tsinelas.

Nagpasalin-salin ang kaalaman hanggang sumapit ang makabagong teknolohiya na nagpatanyag sa Liliw bilang footwear capital ng Laguna.

Ang Badong’s at Socialite Footwear ang mga pinaka unang pagawaan sa Liliw, na sinundan ng Vinsan, Mitz, Chit’s at ilan pang anim na dekadang dinarayo ng mga turistang Pinoy at banyaga.(NANI CORTEZ)

No comments: