Thursday, April 2, 2009

OPLAN SUMVAC sa CALAMBA

Dahil hindi na gaano katindi ang pagnanais ng mga taga Metro Manila na umakyat sa Baguio sa panahon ng bakasyon, sanhi na rin ng karanasang sumisikip ito sa dami ng sabay-sabay na nagtutungo roon ay ang iba’t-ibang bahagi ng Timog Luzon-Bicol Area ang kanilang napagpipiliang puntahan kapag sumasapit na ang Holy Week.

Ang distansya ng Bicol Region ang dahilan kung bakit hindi karamihan ang bumibiyahe patungo roon, at ang kalapitan ng Timog Katagalugan partikular ang Calabarzon ang kadalasan naipampapalit sa Baguio City ng ating mga domestic tourists.

Mula sa Cavite ay Tagaytay ang tinutungo ng ilan nating mga kababayan na nasanay sa malamig na klima ng Baguio at kung mga beach ang nais ay may mga bayan din sa probinsyang ito na mapagbabakasyunan. Meron din sa Batangas at Quezon na ang pasilidad ay maihahambing sa Boracay. Subalit kung natural spring ang hahanapin ng isang turista ay sagana ito sa Laguna, na may mapagpipilian pa batay sa kung gusto ay hot o cold natural spring.

Pinaka-malapit sa lahat na paboritong puntahan ng turista ay ang Siyudad ng Calamba dahil sa kanyang hot spring, na kahit hindi bakasyon ay marami ang nagtutungo dahil may medicinal effect na nakabubuti sa kalusugan ang paliligo sa mainit niyang tubig. Hindi pahuhuli ang Los Baños sapagkat ika ngay may best of both worlds dahil may hot at natural cold spring siyang maiaalay sa mga bisita.

Kung nais mo naman ng ubod ng lamig na tubig paliguan ay dapat kang gumawi sa San Pablo City na katatagpuan ng flowing stream na siyang naglalaman sa mga swimming pool, dahil free flowing ay nakatitiyak kang laging malinis at bago ang tubig sa pool. Ganito rin ang akomodasyong inihahandog ng mga bayan ng Rizal, Nagcarlan at Liliw.

Sa mga nagnanais na maging kapanapanabik ang bakasyon at maranasan ang pamamangka sa ilog ay tunguhin ang Pagsanjan para ang naririnig na shooting the rapids patungo sa talon ay madagdag sa karanasan. May excitement ding handog ang boating sa man made Caliraya Lake sa tuktok ng bundok ng bayan ng Cavinte. Pawang may mga magagandang hotel na matutulugan ng mga bakasyunistang magtutungo sa lahat na bayan ng Laguna.

Ang punto lang ng pitak na ito ay hindi na kailangang lumayo pa ang bawat pamilya na gustong mag-enjoy ngayong bakasyon sapagkat welcome kayong lahat sa Lalawigan ng Laguna. Mula SLEX ay protektado ka pa sapagkat naglunsad na si Calamba City Mayor Joaquin M. Chipeco, Jr. ng OPLAN SUMVAC (Summer Vacation) na siyang tutulong at aalalay sa inyong mga motorista, turista at bakasyunista. (NANI CORTEZ)

No comments: