Monday, April 20, 2009

ARAW NG KAGITINGAN

Lumilitaw ang kagitingan sa bawat panahon at sa ibat-ibang uri ng pagkakataon kapag ang isang abang kalagayan ay nangangailangan ng pagkilos, paggawa ng aksyon at pagsasaisip ng tao na ang takdang oras ay ngayon na.

Sa Huwebes Santo, Abril 9 ay ipagdiriwang natin ang Araw ng Kagitingan upang muling gunitain ang mga magigiting nating ninuno na hindi inalintana ang kanilang kasasapitan sanhi ng pag-iisip mula sa pagkagising, pagbangon at pag-aaklas upang makaalpas sa gapos ng pagka-api at pagka-alipin.

Maraming pamamaraan maipamalas ang kagitingan at lagi itong bukas sa mga nagnanais ng pagbabago, maging sa oras ng kapayapaan o kagipitan. Ang kailangan lamang sa magkaibang sitwasyong ito ay tatag ng paninindigan at may nakalaang kasagutan sa bawat ninanais. Iba ang solusyon sa panahong payapa ang lahat dahil kagitingan na ang gawaing panatilihin ito, at iba rin ang galaw sa panahon ng kagipitan.

Magkasing-halaga ang papel ng humahawak ng sandata upang lumaban sa digmaan at nilalang na nag-iisip upang tiyaking sa tuwina ay hindi bibitiwan ang nasabing sandata. Pinanatili ng huli ang lagablab na siyang inspirasyon ng una sa labanan.

Wala itong ipinagkaiba sa kabayanihan ng mga Pilipinong Repormistang sina Dr. Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez-Jaena at marami pang iba kina Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo at mga kapanalig na nagtangan ng sandata. Wala rin ipinagkaiba ang sitwasyon nina Apolinario Mabini at Aguinaldo.

Walang itinangi ang saling lahi sa kanilang ambag na kagitingan na tulad sa pagtatampok sa isang pedestal kina Lapu-Lapu at Dagohoy. Naulit ito sa digmaang Pilipino laban sa mga Amerikano, hanggang sa nakalipas na ika-2 Digmaang Pandaigdig na laban sa mga mananakop na Hapones. Maraming magigiting ang nangabuwal at malaking bilang ang hindi natin nakilala, subalit hindi ito kabawasan sa kanilang kagitingan.

Kapwa natin sila gugunitain ngayong Araw ng Kagitingan ng walang itinatangi sapagkat inako nila ang hirap ng pagpapakasakit alang-alang sa kasunod nilang hererasyon. (sandy belarmino)

No comments: