Sunday, April 19, 2009

BRGY MALAMIG, NAGTAGUYOD NG LIBRENG SUMMER CLASSES

San Pablo City - Nagsimula na nang nakaraang Lunes, Abril 13 ang inilunsad na libreng summer classes ng Barangay San Jose (Malamig) sa pakikipagtulungan ng St. Anne Carmille Academy at KANAYON Inc. sa lunsod na ito.

Ang proyekto para sa mga batang nagkakaedad ng tatlo hanggang walong taong gulang ay magtatapos sa Mayo 15.

Nakapaloob sa summer classes ang pagbibigay ng libreng pad paper, notebook, lapis, krayola at iba pang kakailanganin sa loob ng silid aralan.

Umabot sa 172 ang nagpatala, na hinati sa tatlong classroom batay sa kanilang edad na 3-4, 5-6 at 7-8 taong gulang.

Napag-alaman kina G. Rod A. Guia at Gng. Elsa F. Zagada, Pangulo at Bise Pangulo ng KANAYON Inc., na tatlong guro buhat sa San Jose, Del Remedio at Sto. Cristo Elementary School, na pawang volunteer, ang magtuturo sa mga batang nagpatala.

Ang summer classes na proyekto ni ABC President and San Jose Brgy. Chairman Gener B. Amante ay may layuning bigyan ng pagkakataon ang mga batang mag-aaral na tumuklas ng karagdagang kaalaman habang bakasyon, upang paghahanda na rin sa susunod na pasukan.

Umaalalay rin sa naturang proyekto ang bumubuo ng Barangay Council, St. Anne Carmille Academy na pinamumunuan ni Gng. Cel A. Gesmundo at mga residente ng lugar, sa pagtataguyod ng KANAYON Inc.. (SANDY BELARMINO)

No comments: