Friday, April 24, 2009

BUWAN NG MAYO

Ang maagang pagpatak ng ulan sa kalagitnaan ng tag-init ay nagbabadya ng nalalapit na buwan ng mga bulaklak, na panahon ng Santacruzan, mga fiesta sa barangay at pa-liga sa buong nasasakupan ng Lunsod ng San Pablo. Ito rin ang buwan kung saan may pinakamaraming reunion ng mga angkan.

Dahil nga buwan ng mga bulaklak ay dito nagsimula ang kung tawagin noong una ay Flores de Mayo, na kinalauna’y tinawag na Santacruzan. Ang layunin nito sang-ayon sa mga nakatatanda ay upang manalanging umulan para mabasa ang bukirin, hudyat sa mga magsasaka upang simulang magtanim sa kanilang mga halamanan.

Kaakibat ng Santacruzan ay ang masayang pagtatapos at sabi rin ng mga nakatatanda ay siyaman o tapusan. Dito inililitaw ng bawat nayon ang magagandang hiyas na siyang gumaganap na Reyna Elena, na buong ningning na itinatampok sa prusisyon.

Pinakamaraming barangay kahit saan ang nagdaraos ng kanilang kapistahan sa buwan ng Mayo, palibhasa’y ang santong si San Isidro ang patron ng mga magsasaka. Ito ay isang uri ng pasasalamat at panalangin sa mga masaganang ani na tinatamasa ng bawat magbubukid.

Ganito ang tanawin sa lahat ng baryo na nagdaraos ng fiesta, hindi man si San Isidro ang patron saint. Bumubuhos ang handaan na halos ang natipid ng bawat tahanan ay halos inuubos sa pag-aalay at pasasalamat sa Poong Mahal.

Palibhasa’y bakasyon sa mga paaralan ay may manaka-nakang dumarating sa baryo upang gugulin doon ang bakanteng mga oras at araw. Kung siya ay dalaga ay nakatitiyak na siya ang dudumugin ng mga kabinataan doon upang magpasaring na humahantong sa ligawan, ganoon din kung binata ang darating na kadalasa’y ang musa ng barangay ang pinapakay subalit agarang pinipigil ng mga nakatatanda dahil madalas kaysa hindi na sila pala’y magkamag-anak o magpinsan.

Ang mga ito ang karaniwang tanawin sa mga barangay kapag sumasapit ang buwan ng Mayo, at ang pinakabagong karagdagan ay ang palaro ng mga kabataan tulad ng liga ng basketball, na sa buwang iyon din ginaganap. Kaya lang ay talagang hanggang Mayo lang ito sapagkat bihirang matapos ang anumang liga sa barangay?!(SANDY BELARMINO)

No comments: