Monday, April 20, 2009

BIYAHE NA DITO SA AMIN

Hindi gaanong karamihan ang mga nagsipag-biyahe patungong lalawigan ng Quezon at Bicol Peninsula noong nakaraang Miyerkules at Huwebes Santo upang samantalahin ang mahabang bakasyon.

Dalawang bagay lang marahil ang kadahilanan nito, ang una ay marami na ang nagsipag-uwian dahil sa tinatawag na long week-end simula noong Sabado, April 4 sapagkat declared special holiday ang Lunes Abril 6. Ang iba marahil sa kanila ay hindi na pumasok noong Martes at Miyerkules kung kaya’t itinuloy na lamang ang bakasyon.

Ang pangalawa naman ay hindi na lumayo ng pagbabakasyunan ang karamihan sapagkat mula Cavite, Laguna at Batangas ay marami nang tanawing kahali-halina na kanilang mapagpipilian. Tipid gastos na sa biyahe ay walang pagod pa nga naman, lalo’t kanilang maiisip ang mga naging karanasan nang nakaraang taon, na talaga namang usad pagong ang daloy ng trapiko sA Maharlika Highway.

Sa madaling sabi ay mas pinili ng ilan ang mga probinsiyang malapit sa kamaynilaan.

Ala eh, isa sa mga lugar na dinadayo ng mga domestic tourist ay ang Lunsod ng Pitong Lawa, na bukod sa malapit lang ay hospitable pa ang mga residente. At sa tanawin ay talaga namang hindi pahuhuli sa mga nakagawian nang puntahan ng ating kapwa Pinoy partikular ng mga taga Maynila.

Nandito na sa San Pablo ang mga world class resorts na nakasisigurong makalulunas sa nararamdamdamang alinsangan ng ating mga kababayan. Saan lugar ka ba namang makakapag-langoy sa swimming pool na free-flowing buhat sa batis ang tubig na iyong pinanliliguan. At nakatitiyak pa ang lahat na malinis ang tubig sapagkat nagbuhat nga ito sa dumadaloy na tubig.

Ano pa’t ganito halos ang mga resorts sa San Pablo kung kaya’t ubod ng lamig ng tubig at menos gastos pa dahil presyong kamag-anak wika nga ang entrance fee. “One to sawa” kung gusto mong magbabad sa pool.

At sa mga can afford wika nga ay marami silang mapagpipilian. Nandiyan ang Rockpoint sa Barangay San Antonio 2, Tierra de Oro sa San Antonio 1 (Balanga), Bato Spring Resort sa Brgy. San Cristobal, Dioko Farm sa San Joaquin, Maria Paz sa Sta. Filomena, Bukid Garden sa Concepcion, Boying Resort, Countryside at Crista Monte sa Brgy. Sto. Angel, Star Lake sa Brgy. Palakpakin at marami pang iba na personalized service dahil ang mga owner ay doon mismo nakatira sa resort.

Kaya biyahe na po tayo dito sa Lunsod ng San Pablo. (SANDY BELARMINO)

No comments: