Tuesday, April 28, 2009

DOH LABAN SA SWINE FLU

Napakabilis ng pagkalat ng swine flu na nagmula sa bansang Mexico, nakarating sa Estados Unidos, Canada at may hinalang umabot na rin sa bansang Israel.

May kakaiba itong virus na nakakahawa mula sa mga alagang baboy patungo sa mga tao. Sinasabing “airborne” o nalilipat ang virus na ito sa pamamagitan ng paglapit sa mga swine na positibo sa naturang sakit. At higit itong mapaminsala kaysa sa birds flu na lubha nating kinatakutan noon.

Ang magandang balita ay hindi pa ito umaabot sa Pilipinas, magkaganoon man ay ibayong pag-iingat ang isinasagawa ng Department of Health upang maiwasan makarating ito sa bansa katulad ng kanilang isinagawa noon sa birds flu.

Sa ngayon ay lubusang binabantayan ng DOH ang mga international airport natin upang maagapan sakali mang may mga pasaherong positibo sa naturang sakit. Ang pag-iingat ay dahilan sa ang sakit na ito ay madaling makahawa at ang paglilipat-lipat ng virus ay lilikha ng isang epidemyang mahirap nang kontrolin sakaling maging pandemic na ito.

Dito natin dapat pasalamatan ang DOH, sa pagiging listo sa katulad ng ganitong sitwasyon. Napatunayan na naman nila ang kanilang kakayanan sapagkat hindi umabot sa Pilipinas ang birds flu kahit na ang mga karatig bansa natin sa Asya ang nagkaroon ng problema dito.

Higit pang kakayanan ang naipamalas ng DOH nang kanilang gapiin ang SARS na naminsala sa atin. Ang kanilang kaalamang teknikal ang nagging sanhi upang lubusang makontrol ang paglaganap ng SARS, at kamakailan lang ay pinangunahan ng DOH ang paglipol sa mga baboy sa Bulacan dahil sa hinalang apektado ito ng sakit na maaaring makamatay ng tao.

Pasalamatan natin sina DOH Sec. Duque at Dr. Eric Tayag sa pro-aktibong paglutas sa malaking suliraning pangkalusugan ng kanilang mga kababayan.(NANI CORTEZ)

No comments: