Halos nawala na ang saysay ng taunang pagdiriwang ng Labor Day sapagkat ang diwa ng selebrasyon ay hindi na umaangkop sa nilalayon nito. Kadalasan kung hindi man umuwing luhaan ang mga hinakot na manggagawa ay hungkag na pangako ang ipasasalubong nila sa naghihintay na pamilya na kadalasan ay mahigpit na kautusan sa mga regional wage boards na itaas ang sahod upang pumalakpak ang nasabing sector.
Kabaligtaran ang nangyayari sa tuwina. Ang mga wage boards kapag inatasang madaliin ang pagresolba sa isyu ng pasahod sa nasasakupang lugar ay kanila lalong pinagtatagal, kapag inutusang bigyan ng raise ang suweldo ng mga manggagawa ay hindi nila ibinibigay at kapag sinabihang kalingain ang labor sector ay pumapanig naman sa management.
Humigit kumulang ay ganito ang larawan na ating nasasaksihan sa taon-taong pagdiriwang ng Labor Day kung saan ang araw na itinakda para sa kanilang karangalan ay nagiging araw ng kahangalan. Dulot ito ng isang konseptong ipinatutupad na lubhang makiling sa management, na hindi napaglaanan ng sapat na safety net upang mapaglaruan lamang.
Hindi naging epektibo ang isinusulong na prinsipyong tripartite na binubuo ng labor, management at gobyerno. Ang tatlong sektor na ito ang tumitingin sa kapakanan ng mga manggagawa. Mahalaga ang opinion ng bawat isa, kung saan kapwa ipinagtatanggol ng labor at management ang kanilang interes. So, tig-isang boto na sila at gobyerno na lang ang magdi-disisyon. Dito pumapasok ang problema at ito ang lumilikha ng hinala buhat sa sektor ng paggawa.
Makapangyarihan ang sektor ng puhunan dito sa ating bansa, katunayan ay ito at ang pamahalaan ang madalas makita ng taumbayang laging magkaulayaw. Magkakasundo sila sa maraming pagkakataon, na sa bawa’t paglalakbay ng pangulo ay bahagi sila sa tuwina ng official entourage. May bulong-bulungan pa nga na magkaminsan ay sila ang financier sa mga sidelights na lakad ng ibang opisyales na hindi kailan man maipagkaloob ng sektor ng labor.
Totoo man o hindi ang sapantahang ito ay ang nagdudumilat na katotohanang nagpapatibay sa hinala. Walang kakampi ang labor sa tripartite at hindi naibibigay ng wage boards ang kanilang benepisyo. Patuloy na pinaniniwalan ang sektor ng puhunan sa inihahaing pagkalugi sa negosyo, 5, 10 0 20 taon na lugi subalit hindi nagsasara! Lubha nga yatang malakas ang kanilang tinig.
Magkaibang araw, naiibang panahon ngunit sana’y magbalik ang sitwasyong pag-uwi sa bawa’t tahanan ng mga manggagawa buhat sa pagdiriwang ng Labor Day ay may iniuuwing isang Wage Order na bagama’t kulang ay nakababawas sa paghihirap dahil sa itinatadhanang dagdag na COLA o Cost of Living Allowance. (SANDY BELARMINO/vp 7LPC)
Sunday, May 4, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment