Sunday, May 25, 2008

BUKAS ESKWELAHAN, PINAGHANDAAN NA

Iniulat ni City Administrator Loreto S. Amante noong Lunes ng umaga na sa pakikipag-lugnayan sa Division of San Pablo City, at Association of Private Schools in San Pablo City, ay itinatag ang OPLAN: Balik Eskuela na magkatuwang na pangangasiwaan nina Chief of Police Joel C. Pernito at PSAF Chief Roberto P. Cuasay, na bagama’t binalangkas para magsimula ng kanilang opisyal na gampanin sa araw ng Martes, Hunyo 10, ay magsisimula ang mga tauhang bumubuo nito na lumibot sa mga lugar o espisipikong lokasyon kung saan sila nakatalagang kumilos simula ngayong Lunes, Mayo 26 para sila ay maging pamilyar at magkaroon ng sapat na oryentasyon sa mga inaakalang suliraning maaaring lumitaw sa mga araw na nagsisimula na ang pasukan sa mga eskuwelahan sa kalunsuran, at maging sa mga kanayunan.

Tiniyak ni City Administrator Amben Amante na ang muling pagbubukas ng lahat ng antas ng mga paaralan ay napaghandaan na, maging ang suliranin sa kakailanganing silid-aralan ay naihanap na ng kalutasan ni Mayor Vicente Amante.

Patuloy din ang tanggapan ni Amben Amante na nagmo-monitor sa takbo ng patalaan sa nmga paaralang publiko para mataya kaagad ang mga lilitaw na suliranin, samantalang sa mga pirbadong institusyon ay ang kapanatagan ng mga nagsisipagpatala, kung saan ang mga kabataang nagsisipagpatala ay dapat pangalagaan laban sa mga mapagsamantala.
Sa tagubilin ni Mayor Vicente B. Amante, hindi lamang ang kapanatagan at kaligtasan ng mga mag-aaral ang dapat pangalagaan, kundi maging ang kaayusan ng daloy ng trapiko, at ang katiyakang ang mga panindang pagkain sa mga bisinidad ng paaralan ay malinis at ligtas para sa kalusugan ng mga kabataang mag-aaral.

Pinahahalagahan ni City Administrator Loreto S. Amante ang City Health Office sa dahilang sa ilalim ng pangangasiwa ni Dr. Job D. Brion, ang tanggapan ay may patuluyang palatuntunan upang masubaybayan ang mga tindahan ng pagkain sa labas ng bakuran ng mga paaralan, at matiyak na ang tadhana ng Code on Sanitation of the Philippines ay nasusunod.

Pinahahalagahan din ni Amben Amante ang ang mga reservist group, gayon din ang samahan ng mga retiradong sundalo sa lunsod, dahil sa kanilang kahandaang magkusangloob na makipagtulungan sa pulisiya at sa PSAF sa pangangasiwa ng kaayusan at kapanatagan sa kalunsuran, kung kailan maraming tauhan ang kinakailangan.

Nabanggit ni Col. Roberto P. Cuasay (Retired) na ang lahat ng passenger jeepney na naghihintay na makapila sa kanilang terminal ay dapat na manatili sa kanilang waiting area na nakatatag sa labas ng kalunsuran para sa lahat ng operators and drivers association na pumapasok sa Lunsod ng San Pablo. (RET/7LPC)

No comments: