Mas matamis lasapin ang tunay na kalayaan, ayon sa mga mapagmasid, kung bago sa pagtatamasa nito ay tayo’y nakalasap ng kapaitan buhat sa mga pagsubok na nagmula sa mga hamon ng panahon.
Sa bansang katulad ng ating mahal na Pilipinas na mahigit 300 taon na pinangasiwaan ng mananakop na bansang Espanya ay sino ba ang makakaunawa kung ano ang ibig sabihin ng katagang kalayaan. Hindi man lubusang nauunawaan ay may mga bayani tayong unti-unting tinubuan ng pag-ibig sa Inang Bayan sanhi ng pagkakaroon ng naising matubos ito mula sa lusak ng pagka-busabos.
Naging mailap ang pagkakataon upang maaga nating matamo ang paglaya. Abot kamay na ang kalayaan sa kabila ng maraming nabuwis na buhay nang mapansin ng pwersa ng mga amerikano ang alindog ng ating bayan, nagsamantala at inagaw ang napipintong tagumpay ng ating mga bayani laban sa mga kastila.
Magkaganoon man ay ipinagpatuloy ng mga Pilipino ang laban sa likod ng hirap, kawalang pag-asa at pagod sa mahabang pakikihamok. Maigting man ang adhikain sa paglaya ay muling nagdamot ang panahon upang sila’y magtagumpay, samakatuwid ay nagpatuloy ang mga Pinoy bilang alipin sa lupang tinubuan.
Dumating ang pagkakataon na ang mga amerikanong mnanakop ang siyang nakapansin sa pag-ibig ng ating bayan na lumaya. Isina-dolumento nila ang kanilang kahandaan na pagkalooban tayo ng kalayaan, ngunit sa huling pagbibiro ng tadhana ay sinakop tayo ng Imperyong Hapon na nagpamalas ng walang katumbas na kalupitan.
Ano pa’t maraming buhay ang nabuwis subalit hindi ito naging hadlang upang maglaho ang pangarap ng bawat Pinoy na makamit ang kalayaan. Salamat at kasabay ng wakas ng ika-2 digmaang pagdaigdig ay yumagayway rin ang ating bandila na tanda ng ating pagsasarili. Sa wakas ay tuluyan na rin tayong lumaya.
Manaka-naka ay may mga sumusubok na ito’y agawin muli sa atin upang isulong ang makasariling hangarin. Ang mga Pinoy ay hindi nagpa-andap muling sumuong sa panganib na may pagsasaalang-alang sa kalayaang dinilig ng dugo ng ating mga ninuno. Walang naging puwang ang kanilang panlulupig sa bukas-isip na pagtatanggol ng taumbayan sa kalayaang natatamasa.
Sa darating na Hunyo 12 ay ipagdiriwang natin ang Araw ng Kalayaan na sumasagisag sa pagpupungyagi at pagpapakasakit ng ating mga namayapang bayani. Sa ating mga nakalasap na ng tamis na maging malaya ay sino pa kaya ang hindi mamumuhi sa pagiging alipin. (SANDY BELARMINO)
Thursday, May 29, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment