Friday, May 2, 2008
GUSALING SAMBAHAN NG IGLESIA NI CRISTO
San Pablo City – Ang kapilya ng Iglesia Ni Cristo sa Lunsod na ito ay may upuang makakapaglaman ng 2,100-katao, na simple nilang tinatawag na gusaling sambahan na bagama’t sa pananaw ng mga arkitekto ay nararapat nang tawaging katedral dahil sa angkin nitong mga katangian. Ang gusali ay desinyo ng isang kilalang arkitekto na si Professor Carlo Santos Viola at ang pagtatayo ay sinimulan noong dulong bahagi ng 1961 at inihandog sa kapurihan ng Diyos noong November 18, 1963 sa pangangasiwa ni Executive Minister Eraño G. Manalo.
Ayon kay dating San Pablo City Engineer Guillermo Inciong ay noong panahong ipinatatayo ang naturang gusaling sambahan ay nasubaybayan niya ang mahigpit na pagsunod ng mga nagsipagtayo ng gusali sa espisipikasyong nakalagay sa plano, kasama na ang proseso ng pagpipintura na pinamahalaan pa ng isang chemical engineer upang matiyak na tugma ang timplada ng pinturang gagamitin dito.
Idinagdag pa ni Engr. Inciong na ang ano mang pagawaing ipinatutupad ng Iglesia Ni Cristo ay laging sumusunod at ipinatutupad sa tamang kaayusan sa kadahilanang ang mga kaanib nito ay naniniwala na ito ay isa ring kaparaanan ng pagpupuri sa Panginoong Diyos.
Mistulang isang kastilyo kung tatanawin mula sa kabilang pampang ng Lawang Sampalok, ang larawan ng kapilya ay natampok na sa ilang International Magazine tulad ng The Asian Magazine dahil na rin sa nanatiling maayos ito at regular ang isinasagawang pangangalaga sa loob at labas ng edipisyo.
Pinatutunayan ng mga naninirahang malapit sa kapilya na ang gusali ng sambahan ay regular na pinipinturahan, at napalitan na ang bubungan, na bagama’t sa paningin ng marami ay maayos pa ang kabuuan ng gusali, ito ay sumasailalim na ng general repair tulad ng pagpapalit sa mga bintana, pagsasaayos ng kisame at ng lighting system. (SANDY BELARMINO/7LPC)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment