Friday, May 30, 2008

ECOTOURISM PROJECT, ISINUSULONG NG UPLB

College, Laguna – Gagawing mahalagang sangkap ang pinagyayamang kapaligiran at likas na yaman ng Mt. Makiling sa isinusulong na ecotourism project ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) sang-ayon sa inilatag na Tourism Master Plan kaugnay sa pagkakapasa ng bagong UP Charter ngayong taong ito.

Nakapaloob sa nasabing proyekto ang 4,200 ektaryang gubat tropical na magiging pinakamalawak na pasyalan at libangan sa buong bansa na may kakayanang maghandog ng pang-kalikasang tanawin. Saklaw nito ang mga kamanghaang likha ng natural ecosystem at pagtunghay sa mga endemic na halaman na kasalukuyang doon lang matatagpuan.

Maaasahang mabibilang na isa sa tourist attraction ang mga malalapad na rock formations, mga batis mula sa mga higanteng ugat ng mga puno at kumukulong mud spring na magpapa-alaala sa lahat na ang naturang bundok ay minsa’y naging aktibong bulkan.

Ang lapit ng Mt. Makiling Rainforest Park sa Kamaynilaan ang dahilan upang pagsadyain ito ng mga turista bukod pa sa mga road network ng UPLB na umaabot sa taluktok nito, habang dinadama ang dalisay na hangin sa pagbagtas lilim ng mga naglalakihang puno.

Sang-ayon kay Roberto Cereno, co-chairmanng UPLB Tourism Committee ay magsisilbing showcase ang Makiling Botanical Garden ng College of Forestry and Natural Resources para sa nabanggit na proyekto.

Bukod sa pagtatampok sa UPLB bilang pangunahing tourist site ay layunin rin ng ecotourism project na ipamulat sa madla ang kahalagahan ng pagmamalasakit at pangangalaga sa kapaligiran ganoon din ang mga kapakinabangang idudulot nito sa sangkatauhan. (NANI CORTEZ)

No comments: