Friday, May 9, 2008

20 MILYONG PISONG PROYEKTO SA 44 BRGY. NG 3RD DIST. BUHAT SA PDF NI REP. ARAGO


San Pablo City - Humigit kumulang sa P20 Milyong Pisong halaga ng proyekto at pagawaing bayan ang ipinamahagi ng Tanggapan ni 3rd Dist. Congresswoman Ivy Arago sa 44 na barangay sa isinagawang simbolikong turn-over dito noong Huwebes ng umaga.

Ang proyekto ay kinapapalooban ng farm to market road para sa mga malalayong barangay, pagpapakumpuni ng mga school building, konstruksyon ng mga barangay hall at scholarship grant para sa mga kapus palad na mag-aaral. Ang nasabing halaga ay bahagi ng priority development fund (PDF) ni Rep. Arago.

Sinaksihan ang nasabing turn-over nina City Mayor Vicente B. Amante ng San pablo, Mayor Cesar Sulibit , Liliw; Mayor Wilnefredo Berris, Calauan; Mayor Nelson Osuna, Nagcarlan; Mayor Rolen Urriquia, Rizal at Mayor Dwight Kampitan ng Victoria sampu ng mga barangay official mula sa pitong bayan ng distrito. Hindi nakadalo si Alaminos Mayor Eladio Magampon dahil nagdaraos ng kaarawan sa kanyang bayan.

Bahagi ng nasabing programa ang pagpapasinaya sa isang ambulansyang gagamitin ng 3rd district, samantalang hinihintay pa ang ptiong mini-ambulance na nauukol sa bawat bayan. Kaalinsabay nito ayon kay Arago ay darating din ang isang farm truck na libreng magagamit ng mga magsasaka sa pagdadala ng kanilang inaani sa mga food terminals.

Sa kasalukuyan ay 78 barangay na ang nakinabang sa PDF ni Arago kabilang ang 34 na una ng napagkalooban ng proyekto nang nakaraang Pebrero.

Kaugnay nito ay nagbigay kasiguruhan ang mambabatas na patuloy siyang magsasagawa ng konsultasyon upang alamin ang pangangailangan ng kanyang nasasakupan. Lubos aniya silang kanyang pinahahalagahan kung kaya ang bawat pondo mula sa tao ay muli niyang ibinabalik sa mga ito.

Si Arago ay nasa unang taon ng panunungkulan bilang kinatawan ng ikatlong purok ng Laguna. (NANI CORTEZ/Pres. Seven Lakes Press Corps)

No comments: