Simula ng sumikat si Manny Pacquiao o si Pacman sa larangan ng boksing, isa ako sa milyong Pilipinong naging tagahanga niya. Hinangaan ko ang kanyang sipag, tiyaga at determinasyon sa paglikha ng pangalan sa bansang itong unti-unti nang inaangkin ng mga sinungaling, mapagsamantala at iba pang pinunong may hangaring pansarili lamang. Inaasahan kong siya na nga ang modelong Pilipino, na makahihikayat ng pagbabago. At ikinatuwa kong siya’y mahirap ding tulad ko.
Nang makatikim siya ng unang knockout sa kamay ni Rustico Torrecampo, wari bang hiyang-hiya siya habang tinatanggap ang pagkatalo. Lalong tumindi ang paghanga ko sa kanya, pagkat nasinag ko ang kanyang kababaang-loob. Parang nakita ko sa kanya ang isang bahagi ng aking pagkatao, na taglay rin ng maraming mahirap na kababayan ko.
Nasilip ko sa kanyang maskuladong dibdib ang pusong bakal sa sandali ng pakikihamok sa ibabaw ng ring, pero malambot na gulaman pag sa pagtugon sa karaingan ng mahihirap. Di ko malilimot ang isang Pasko kung kailan namudmod siya ng pera at bigas. Nang maubos ang saku-sakong bigas, umorder pa siya ng walumpong sako (kung di nagkakamali ang memorya ko). Naitanong ko sa sarili: “Siya na nga ba ang Pilipinong pag-asa ng mahirap? Kung gayon, dapat palang mapalapit ako sa kanya.
Pero, nagkaroon ng duda ang aking paghanga sa kanya ng tumakbo siyang congressman. Gusto raw niyang tulungan ang mga mahal niyang kababayan kaya nilabanan ang kinakapatid na si Cong. Darlene Custodio. Natalo siya at palaga’y ko’y hindi siya dapat magtampo. Baka gusto lamang ng kanyang mga kababayan na ilayo siya sa mundong mahirap makilala kung sino si Hesus at sino si Hudas.
Malas sa pulitika, buenas naman sa ibang bagay si Pacman. Hindi maiwasan ang ako’y mainggit nang makita ko ang “rushes” ng “Anak ni Kumander” kung saan ang nguso niya’y nagbigay ng matulis na istreyt sa malambot na lips ni Valerie Concepcion. Milyong beses daw na nakaiinggit ang mga eksena nila ni Ara Mina, ayon sa pagdalirot ng maraming makating dila. Masiyuting din daw siya sa bilyar. Kandarapa ang mga fans sa paglapit sa kanya, yung iba kandatihaya pa raw. Iba kasi ang guwapo ang bulsa. Gusto ko sanang humingi ng kahit pinaglumaan, pero hindi kami magkakilala at ang tanging naglalapit lamang sa amin ay ang paghanga ko sa kanyang husay sa boksing.
Tumaas na nga si Pacman. Dumami na ang kanyang titulo: boxer, singer, actor, tv host, endorser, columnist, sarhento, anti-illegal logging chief, datu… Pambansang Bayani!!! Tumaas na ang kita niya. Tumaas na ang kalagayan niya sa lipunan pagkat matataas na tao na ang kanyang kabungguang-balikat at kaumpugang-tagay. Mataas na rin ang kanyang tirahan, na kung tawagin nila ng ina niyang si Aleng Dionisia, ay mansion. Mataas na Mansion, pare!
Wala na akong pag-asang makilala si Pacman, at ni hindi ko na hahangaring mapalapit pa sa kanya. Kuntento na akong tingalain siya sa kanyang matayog na mansion habang ako’y narito sa aking mababang kubo. Sa pagtingala ko sa kanya, hindi maiwasang magbalik sa aking alaala ang isang araw ng aking kamusmusan. Noon ay tinitingala ko ang alupihan sa kanyang paggapang sa aming bubong na pawid. Hindi ko akalain na sa dami ng paa niyang pangkapit ay makabibitiw pa siya at lalagpak sa aking papag na kawayan. (ERMIE POLICARPIO/Laguna Courier-April 14-20, 2008)
Sunday, April 13, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment