Wednesday, April 16, 2008

PRODUKSYON NG PAGKAIN, PATULOY NA PINASISIGLA

Muling tinagubilinan ni Alkalde Vicente B. Amante ang Office of the City Veterinarian, at ang Office of the City Agriculturist upang higit pang pasiglahin ang kanilang pagsasakit na mapatatag ang industriya ng paghahayupan sa lunsod na ito, kaalinsabay ng paghikayat sa marami pang magsasaka ng magtanim ng gulay at iba pang halamang madaling mapag-anihan at pagkakitaan.

Masasabing nagtatagumpay sa lunsod na ito ang paglilingkuran ng Tanggapan ng Beterinaryo ng Lunsod sa pagsasagawa ng mga malawakang pagbabakuna ng iba’t ibang hayop, kasama na ang pagbabakuna ng mga aso laban sa rabis, upang manatiling matatag ang pagpaparami at pagpapalaki ng baboy, bagama’t isang katotohanang maliiit na ang kita sa pagbababuyan dahil sa patuloy na tumataas ang halaga ng pakain, at maging ng gugulin sa pangangalaga ng kalusugan ng mga alagaing hayop.

Sa panig ng Office of the City Agriculturist, magaganda ang mga punlang napaunlad dito, tulad ng hybrid Rambutan, Longkong at Doko na nakakahawig ng lansones, langka, at iba pa, na kung sisinupin ang pagkakatanim ay magandang pamuhunanan sa hinaharap. (7LPC)

No comments: