Tuesday, April 1, 2008

DOÑA EVANGELINA MACAPAGAL BOULEVARD (Dagatan Boulevard)

Ang lansangang ito ay nabuksan at napaunlad sa pamamahala ng Emergency Employment Agency (EEA) na inilunsad ng pangasiwaan ni Pangulong Diosdado Macapagal, na isang tuwirang pagsuporta ng pangasiwaang pambansa sa pangarapin noon ng pangasiwaang lokal na masimulan ang pagpapaunlad ng industriya ng turismo, bilang isang estratihiya sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng lunsod.

Bilang isang paggawain, ito ay binigyan ng Office of the City Engineer ng project code name na “Dagatan Boulevard,” bagama’t ang opisyal na project title ay “Proposed Peripheral Road of Sampaloc Lake,” na natapos na may-uring “macadamized all weather road” noong katag-arawan ng 1965, na kaalinsabay ng isinagawang rehabilitasyon ng makasaysayang “Hagdang Bato” na itinayo noong 1914, na ngayon ay bahagi na ng desinyo ng ng Opisyal na Sagisag ng Lunsod ng San Pablo, na nawasak sa pagtatapos ng Ika-2 Digmaang Pandaigdig, isang paggawaing pinunduhan din sa malasakit ni Pangulong Diosdado Macapagal, kaya nang ito ay pasinayaan, ay minarapat noon nina Justice Undersecretary Manuel A. Concordia at Alkalde Zacarias A. Ticzon na anyayahan ang Pangulo ng Bansa upang siyang mapagpasinaya sa dalawang natapos na paggawain.

Kung papaanong nang dumalaw si Pangulong Carlos P. Garcia noong katag-arawan ng 1961, nang malamang kasama sa pagdalaw si Gng. Leonila Garcia, ang Unang Ginang ng Bansa, ay ipinahayag ng pangasiwaang lokal noon na ang tree park sa pag-itan ng Gusaling Pampamahalaan at ng Lawang Sampalok, ay tawaging Doña Leonila (Mini-Forest) Park, sapagka’t kasama rin ni Pangulong Diosdado Macapagal ang Unang Ginang ng Bansa, Dra. Evangelina Macaraig Macapagal, sa pagdalaw sa lunsod, ay ipinahayag ng pangasiwaang lokal na ang Dagatan Boulevard na daraanan ng Pangulo sa pagpapasinaya sa Hagdang Bato ay opisyal na tawaging “Doña Evangelina Macapagal Boulevard.”

Doña Evangelina Boulevard o ang lansangang walang dulunan sa paligid ng Lawang Sampalok, sa nakalipas na mga taon, ay simbolo ng walang katapusang pagmamalasakit ng Pamahalaang Pambansa sa mga maliliit na mangingisda at karaniwang manggagawa sa lupa, na may pagsasaalang-alang sa pangangalaga at pagpapatatag sa kalikasan, kultura, at pagpapahalaga sa pagkakakilanlan sa Lunsod ng San Pablo. (PEDRITO D. BIGUERAS)

No comments: