Wednesday, April 2, 2008
PAGKATAPOS N'YO, SI FISCAL ANTE NAMAN!
Florante Dorado Gonzales
Pagtitiwala ang pangunahing dahilan kung bakit sa bawat flag box ng mga lokal na pahayagan ay tuwinang naka-limbag ang pangalan ni 2nd Asst. Provincial Prosecutor Florante “Ante” Gonzales bilang legal consultant, na nabuo dahil sa mahabang panahon ng kanyang walang imbot na pagmamalasakit at pagtulong sa kalutasan ng mga suliraning hinaharap ng mga kagawad ng media kaugnay sa kanilang propesyon.
Bukod sa pagiging takbuhan ng mga hometown publisher ukol sa mga usaping legal, ay ang mga samahan ng journalist ay siya rin ang unang dinadaingan kung konsultasyon ng naaayon sa batas ang kinakailangang malaman. Kadalasan ay may mga artikulo sa mga pahayagan ang nagdaraan muna sa kanyang pagsusuri bago mailimbag lalo’t may duda rito ang may akda ukol sa legalidad.
Malaking samahan ng media sa rehiyon ang kanyang naalalayan na at kasalukuyang tinutulungan bilang legal adviser. Naging tagapayo siya ng Camp Vicente Lim Press Corps at kasalukuyang aktibo sa Seven Lakes Press Corps, maging sa pangrehiyong pangkat ng DILG Tri-Media Organization, sa ngalan ng public service.
Bahagi ng serbisyo publikong ito ang kanyang adbokasiya sa pagpapalaganap ng kaalaman sa batas, sa pamamagitan ng kanyang lingguhang pitak na BATAS, PAG-USAPAN NATIN na inilalathala ng The Southern Tagalog Herald ng Herald Group of Publications sa kanilang mga pahayagan sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Cavite at Quezon.
Ito ang mga iniaambag ni Fiscal Ante para sa 4th State ng rehiyon na binabawas niya sa quality time na ukol sana sa kanyang pamilya. Magkaganoon man ay hindi siya kinakitaan ng kahit mumunting reklamo. Bukod dito ay paborito rin siyang lapitan ng mga NGO, mga kilalang personalidad at ilang lingkod-bayan rin ang kumukunsulta sa kanya tungkol sa batas.
Mula rito ay masusukat ang tapat niyang paglilingkod sa bayan na walang hinihintay na kapalit. May mga pagkakataong hindi na niya naiisip ang sariling kapakanan partikular ang kanyang professional career. Bagama’t nagsimula sa ibaba hanggang maabot ang kasalukuyang katayuan ay hindi siya lumalapit sa mga kinauukulan upang makamit ang higit pang pagkakataon. Nalilimutan siya ng kanyang mga tapat na napaglingkuran sa pwestong sa kanya ay nababagay.
Kwalipikado siya sa nabakanteng City Fiscal sa Lunsod ng Sta. Rosa, ngunit hindi siya naisaalang-alang?? Si Fiscal Ante ay hindi para maghabol subalit ang mga miyembro ng 4th State ay nagtatanong kung bakit?? Kailangan pa ba ang koneksyon upang maisulong ang career ng isang taong nagtataglay na ng tamang kwalipikasyon?!?
Malapit na ring mabakante ang posisyon ng San Pablo City Fiscal. Hindi gumagalaw si Fiscal Ante, ni nagpaparamdam ngunit may kumikilos ng mga personahe upang iba ang malagay sa nasabing pwesto. Ang totoo si Fiscal Ante sa dami ng mga natulungan at naniniwala sa kanyang kakayahan ay nararapat at otomatikong kasama sa short list ng mga pagpipilian.
Kaming nasa 4th State, wala mang kakayanang iluklok si Fiscal Ante sa posisyong kung saan siya karapat-dapat ay naniniwalang higit siyang makapaglilingkod bilang City Fiscal. At ito ay bilang karapatan naming humiling sa ikagaganda ng serbisyo publiko ng Lunsod ng San Pablo.
Tuwirang itong kahilingan mula sa pangkat ng media at ang nais lang naming malaman ay kung sasamahan ba kami ng mga Barangay Chairmen, mga NGO’s o ng iba pang samahang Sibiko? (SANDY BELARMINO/7 Lakes Press Corps)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment