Sunday, April 6, 2008

IWAS DENGUE, INILUNSAD NG JAYCESS SA SAN MATEO

San Pablo City - Ang Sangguniang Barangay ng San Mateo sa pangunguna ni Chairman Nonie V. Aquino ay mayroong sinusunod na patuluyang palatuntunan laban sa sakit na dengue.

Aniya, higit pang naging masigla ang kanilang kampanya nang ito ay akuin ng San Pablo "Seven Lakes" Jaycees, Inc. sa pamamagitan ng paglulunsad ng proyektong "Lamok Yari Ka sa Operation: Iwas Dengue."

Ang San Pablo "Seven Lakes" Jaycees, Inc. ay kilala ngayon bilang Junior Chamber Inter-national Philippines (JCIP) San Pablo City.

Bilang proyektong maituturing na pagsubok kay City Administrator Loreto S. Amante bilang bagong tanggap na kasapi ng JCIP-San Pablo City o “Baby Jaycee,” ang proyekto ay sumailalim ng pagsusuri sa kalalagayan at pangangailangan ng barangay, at pagbalangkas ng angkop na palatuntunan, paglalaan ng sapat na pondo, pagkuha ng sapat na mga tauhan, at personal na pangungu-na sa implementasyon,.

Ang JCIP-San Pablo City ay isang training organization kung saan ang mga kasapi ay pinauunlad o pinalalawak ang kamalayan at karanasan sa pangangasiwa at pamamahala, na magsisimula sa pagpapatupad ng mga palatuntunang pampamayanan

Ayon kay Chapter President Normand I. Flores, ang Proyektong "Lamok Yari Ka sa Operations: Iwas Dengue" ay naglalayong mabigyang-diin sa Lunsod ng San Pablo ang halaga ng pagsasakit na mapanatiling malinis ang kapaligiran upang manatiling malusog ang mga mamamayan.

Aniya, ang kampanyang ito ay hindi pana-panahong palatuntunan lamang sapagka't sa pag-uugnayan nina City Health Officer Job D. Brion at ABC President Gener B. Amante, ang anti-dengue campaign ay kasama sa barangay development plan ng bawat sangguniang barangay.

Ito ay pinaglalaanan ng sapat na pondo ay ipinatutupad sa buong taon, taun-taon, dito sa lunsod. (ret/7LPC)

No comments: