Monday, April 28, 2008

MAYO 7, FOUNDATION DAY ng SAN PABLO CITY



San Pablo City – Ipinagdiwang ng lunsod na ito ang ika-68 taong foundation day sapul ng matatag sa bisa ng Commonwealth Act 520 noong May 7, 1940 na isinulong ng mambabatas na si Kgg. Tomas D. Dizon sa pambansang assembleya.

Sa pangunguna ni Mayor Vicente B. Amante, ang apat na araw na selebrasyon ay sisimulan sa Mayo-a-kuatro ng Kabyaw sa Kalikasan na itataguyod ng San Pablo Seven Lakes Jaycees, dalawang araw na pakikiisa ng United Pastoral Council na katatampukan ng Youth Jamboree at Battle of the Bands, kaalinsabay ng Sportfest ng mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Pararangalan sa Mayo 6 ang 10 natatanging San Pableño ngayong taong ito, na nakapag-ambag sa ibat-ibang larangan at nakapagbigay ningning sa lunsod. Isang misa ang gaganapin sa mismong araw ng pagdiriwang na susundan ng parade sa liwasang bayan. At sa gabi ay ang nakagawiang Santakrusan na pinagdarayo ng mga turista.

Si Don Potenciano Malvar ang unang nahirang na punong lunsod na sinundan ng anim pa bilang pagtalima sa City Charter, kung saan nakasaad din ang pagkakaroon ng halalan noong 1955. Ang unang halal na city mayor ay si Kgg. Cipriano Colago na nanungkulan noong 1956 hanggang 1959.

Sa kasaysayan ng lunsod ay hawak ni Amante ang record na pinakamaraming beses na nahalal bilang alkalde sa pang-limang termino hanggang sa kasalukuyan.

Bilang pagpupugay ay idineklara na ng Tanggapan ng Pangulo na special non-working holiday ang Mayo a-siete sa lunsod na ito kaugnay ng nasabing pagdiriwang. (Seven Lakes Press Corps)

No comments: