Saturday, January 24, 2009

TODO UNLAD sa MALAMIG FESTIVAL, BINALANGKAS

San Pablo City - Idaraos sa lunsod na ito ang pinakabagong tourism event ng lalawigan sa binalangkas na TODO UNLAD: MALAMIG FESTIVAL ng Brgy. San Jose (Malamig) bilang parangal sa kaluguran ng kanilang Mahal na Patron sa darating na Marso 13-19 kasabay ng kanyang kapistahan.

Nabuo ang nasabing pestibal buhat sa mungkahi ng mga residente ng naturang barangay bilang pagtanaw ng utang na loob sa Patrong San Jose dahil sa patuloy nilang pag-unlad sanhi sa tinatamasang katahimikan dito, na agarang inayunan ng Sangguniang Barangay sa pamumuno ni ABC President Gener B. Amante.

Ang isang linggong kasayahan ay kapapalooban ng Ms. Gay Fashion Show, Battle of the Bands, Ms. Bebot Contest na isang katuwaang pag-aanyong miyembro ng third sex ng mga tunay na lalaki, gabi-gabing stage shows na gagampanan ng mga local at nasyunal na artista, at amateur singing contest.

Itatampok sa pagdiriwang ng pestibal ang timpalak kagandahan na LAKAN at MUTYA ng San Jose, at Mardi Gras na lalahukan ng mahuhusay at subok ng street dancers na hinangaan sa nakaraang COCOFEST 2009.

Ayon sa mga nakababatid ng kasaysayan ay nagsimula ang Malamig buhat sa pagiging abang sityo bago naging nayon hanggang kilanling Brgy. San Jose Malamig. Dito ngayon matatagpuan ang Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP), San Pablo City Science High School (SPCSHS), San Jose National High School (SJNHS) at ang nakatakdang buksang San Pablo City General Hospital.

Ang maayos na pamamahala sa peace and order ng lugar ang naging dahilan sa paglobo ng populasyon at naging sanhi upang ang barangay ay habulin ng kaunlaran. (NANI CORTEZ)

No comments: