San Pablo City: Ito ang humigit-kumulang ang buod ng pananalita ni Mayor Vicente B. Amante ng lunsod ito bilang ganting-tugon sa mga batikos sa kanya ni Vice-Mayor Martin Ilagan noong ika-5 ng buwang kasalukuyan sa unang flag ceremony ng city hall sa taong 2009.
Naganap ang insidente sa loob ng One Stop Shop Processing Center matapos batikusin ni Ilagan ang administrasyon ni Amante na diumano’y namili ng mga lupain at mga bagay na hindi naman ginagamit subalit sa pananaw ng mga nagsidalo, ang ginawa ni Ilagan ay isa lamang taktika upang ilihis ang mga kasalukuyang usapin na bumabalot sa Sangguniang Panlunsod gaya ng hindi pagkakaroon ng sesyon simula noong huling linggo ng Nobyembre at buong buwan ng Disyembre, 2008 at ang matagal ng isyu hinggil sa cedera.
Matatandaang ang hindi pagkakaroon ng quorum sa Sangguniang Panlunsod noong nakaraang isang buwan at kalahati ang dahilan upang hindi matuloy ang regular na sesyon. Ipinalagay ng marami na natakot ang mga konsehal sa pagbubunyag na gagawin ni Konsehal at Bokal Danny “D.Y: Yang lalo na yaong sangkot sa diumano’y suhulan sa cedera.
Napasulat rin sa ilang lokal na pahayagan sa lunsod na ito ang tinatayang halos P2 milyong pisong lugi ng pamahalaang-lokal sa pasahod at benipisyo na ibinayad sa mga kawani ng sanggunian gayundin sa mga konsehales na hindi naman nakaganap ng kanilang tungkulin. Ang halagang nabanggit ay buhat sa buwis ng mga mamamayan.
Ayon sa mga nakapakinig, ang ginawang batikos ni Ilagan sa halip na pagbati ay isang indikasyon ng kakulangan ng liderato ng Vice-Mayor. “Dapat naman ay hindi isinabay ni Vice-Mayor Ilagan ang kanyang batikos sa unang araw ng pagbubukas ng opisina”, wika ng isang senior citizen na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Sinabi pa rin ni Amante na hindi ang regular na flag ceremony ang tamang lugar, panahon at pagkakataon upang batikusin ni Ilagan ang sangay na ehekutibo dahil hindi pa niya napapatunayan ang kanyang kakayahan bilang pinuno ng lokal na lehislatibo.
Idinagdag pa ni Amante na hindi na niya papayagan si Ilagan na muling sirain ang palatuntunan tuwing Lunes at hahayaan lamang niya itong lumahok “on a case to case basis” o kung mayroong formal request. (Sandy Belarmino/Mel B. Evangelista/7LPC)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment