Thursday, January 1, 2009

FILIPINO CONSUMERS, BAGONG BAYANI

Kung magpapatuloy ang masiglang pagtugon ng mga Filipino consumer ngayong Disyembre hanggang sa susunod na taon sa ating mga pamilihan ay nakatitiyak na maliligtas ang bansa sa economic recession at hindi magkakaroon ng gaanong epekto ang pinangangambahang world wide economic crisis sakali mang umabot ito sa Pilipinas.

Lingid sa nakararaming Pinoy patrikular ang mga consumer ay napakalaking kabayanihan ang kanilang naiambag sa ating ekonomiya sa pagtungo sa ating mga merkado upang mamili hindi lamang ng mga basic necessities manapa’y ng mga bagay na maituturing na luxury goods.

Kung sabagay ay manipis naman ang pagitan ng mga basic products at luxury goods sa ngayon sapagkat ito’y kapwa bahagi na ng ating pangunahing pangangailangan. Basic sa atin ang mga produktong nasa ilalim ng food shelter at clothing na talagang kailangan ng tao subalit paano mo naman matatawaran ang naitutulong ng iba pang mga produkto tulad ng cell phone, home appliances at sa isang banda’y sasakyan tulad ng bisikleta o motorsiklo?

Wala nang magiging pagtatangi sa mga nasabing produkto sa kahalagahan dahil parehong kailangang-kailangan natin sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang mahalaga ay taglay ng mga produktong ito ang halina na aakit sa mga konsyumer upang magtungo sa mga pamilihan. At ang kasiglahang ito ay nararapat samantalahin ng ating pamahalaan.

May suliranin tayong nasisilip hinggil sa pagkukulang ng ating gobyerno, sapagkat hanggang sa ngayong magtatapos na ang taong 2008 ay hindi pa rin ratipikado ang ating 2009 National Budget. Magdudulot ito ng trapik kung baga dahil maaantala ang maraming pagawaing bayan na tumutulong sa maayos na daloy ng pananalapi ng bansa.

Nakapaloob sa budget ng gobyerno ang industriya ng construction business na kapag sinimulan ang isang proyekto ay nakikinabang din ang marami pang industriyang nakapailalim dito. Ganito kasimple ang naging pagkukulang ng ating mga mambabatas na ikalulugmok ng ating ekonomiya sa unang tatlong linggo ng Enero 2009 – sapagkat kahit paano ay pigil nito ang sirkulasyon ng pera sa ating pamilihan.

Pansamantala ay ang call of the hour para sa ating ekonomiya ang iba pang bahagi ng Filipino Consumer- ang nakararaming karaniwang mamamayan. Ipagpatuloy sana ninyo ang kakaibang siglang inihahandog sa ating mga pamilihan. Keep on buying and give your share to our economy.(NANI CORTEZ/pres. SLPC)

No comments: