Dahil maraming dapat ipagpasalamat ang mga residente ng Brgy. Malamig na pinamumunuan ng isang pangulo ay bonggang kapistahan ang kanilang iaalay sa Patrong San Jose sa darating na Marso 19.
Buhat sa isang pagiging sityo ay ito;y naging nayon hanggang mapa-antas bilang barangay. Ang dating maguot na sityo ay naging isa sa mga kinasisindakang nayon ng lunsod subalit sa pagdaan ng panahon ay unti-unting dinadalaw ng kaunlaran bagamat suliranin pa rin noon ang katahimikan.
Hanggang sa dumating si Pangulong Gener B. Amante ng Liga ng mga Barangay na naging lubos ang patuloy na pag-unlad at pagkalipos ng katahimikan. Naging Educational Center sa pagkakaroon ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP), San Pablo City Science High School (SPCSHS) at San Jose National High School (Annex). Host din ang lugar sa San Pablo City General Hospital. Lumago ang populasyon dahil sa halina at lalo pang umunlad dahil sa kakayanan ng kanyang pamunuan.
Marahil ay dapat nga silang magpasalamat dahil sa pamamagitan ng kanilang pagkakaisa at pagtutulungan ay naabot nila ang rurok ng katangian ng isang pamayanan. Kaya naman isang linggong parangal (mula March 13 hanggang March 19) kay San Jose ang kanilang inihanda, na maaaring another first sa kanyang kasaysayan at kauna-unahan sa lunsod.
Ang isang linggong pagdiriwang ay kapapalooban ng mga panooring Battle of the Bands, Fashionista de Ilusyunada (Fashion Show ng mga Bading), Ms. Bebot Contest (mga tunay na barakong magdadamit babae), mga palarong pinoy, seryosong beauty contest na ala-Lakan at Mutya at higit sa lahat ay ang pinanabikang street dancing o madrigras. Ang bawat kalahok ay pawang dumaan sa screening ng mga nakakaalam na komitibang sumasakop sa bawat programang itatanghal.
Bigtime as in malakihan ang premyong naghihintay sa mga magwawagi. Sa mga susunod na pagkakataon ay ilalathala natin ang eksaktong halaga ng mga premyo na tinitiyak ng pitak na ito na higit na malaki kaysa mga karaniwang bayan. Ang lahat ng nagnanais na lumahok ay hinihikayat na magpatala ng mas maaga sa mga screening committee o dili kaya’y makipag-ugnayan sa may akda o kay G. Rod Guia ng Brgy. San Jose o kaninumang Barangay Official ng naturang nayon.
Inaanyayahan rin ang lahat na saksihan ang nasabing pagdiriwang ng “Todo Unlad Malamig Festival” mula Marso 13 hanggang Marso 19 na nakatakdang maging isang tourism event ng rehiyon sa San Jose, Laguna… eheste sa Barangay San Jose (Malamig), San Pablo City. (SANDY BELARMINO)
Thursday, January 22, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment