Friday, January 9, 2009

SALAMAT MGA KASAMA

Sa tanang buhay ko ay ngayon ko lang naramdamang talagang hindi ako nag-iisa, hindi nangungulila at may mga kasamahan sa propesyon, kakilala man o hindi, na kakampi sa isang bagay na kailan ma’y hindi ko inaasahang sasapit sa aking buhay.

Noong Miyerkules ng umaga ay kinumpronta ako ni Felix Monchito Ambray Ilagan Jr. alias Mito at tinanong tungkol sa iyakan blues sa Sangguniang Panlunsod (SP) na hindi ko personal na nasaksihan. Nilait niya ako, dinuro at pinagbantaan upang huwag itong isulat at huwag nang pakialaman.

Wala namang sanang suliranin dito kung nagkataong siya ang aking editor ngunit ang problema ay hindi naman dahil kapatid siya at confidential assistant ni Vice-Mayor Martin Ambray Ilagan na nasa lead role ng nangyaring iyakan sa SP. Gamit ang intimidasyon ay ipinag-utos niya sa akin ang mga bagay na hindi ko dapat isulat na nagpalala sa problema.

Bilang manunulat ay karapatan kong magkaroon ng independence sa mga artikulong alam kong tama at nararapat mabatid ng mga tagasubaybay. Hanggang sa ngayon ay wala tayong binibigyan ng karapatan na magbawal sa akin na sulatin ang isang lathalain hangga’t naayon sa panuntunan ng mga umiiral na batas. Hindi rin ako pinagbawalan ng aking editor bagama’t nasa kanyang pagpapasya kung ilalathala ito o hindi.

Ganito humigit kumulang ang backgrounder ng mga pangyayari na naganap mga 10:30 ng umaga ng Miyerkules, Enero 7, 2009, na nasaksihan ng maraming katao sa harap ng One Stop Shop Processing Center. Nahaharap ako sa isang napakalaking pagsubok na medyo may kabigatan. Nasa pagitan ako ng pag-iisip kung paano bubuhatin ang dalahin nang simulang makatanggap ng tawag at text buhat sa mga kapatid sa hanapbuhay, na ang ilan ay hindi ko kakilala nang lubusan, na nangako ng suporta sa akin.

Ang dalahin ay biglang gumaan para sa akin at nawika kong ganito pala ang media profession na nagdadamayan, nagtutulungan at binibigyan proteksyon ang kasamahang nasa gilid ng panganib. Ramdam na ramdam kong hindi na ako nag-iisa at hindi mag-iisang haharap sa banta.

Sa aking mga kapatid sa hanapbuhay, maraming salamat sa pledge of support na ipinaabot ninyo sa akin. Hinding-hindi ko ito malilimutan habang ako’y nabubuhay.

Bilang ganti at bilang pagtanaw ng utang na loob ay asahan ninyong hindi ako matatakot sa pagbubunyag ng katotohanang gumagapos sa ating mga kababayan sa antas ng kahirapan. Ang atras ko ay magiging sugod dahil batid kong kayo’y nasa aking likuran.(SANDY BELARMINO)

No comments: