Saturday, January 24, 2009

MOBILE PASSPORTING SA SAN PABLO CITY

San Pablo City - Sa inisyatiba ng Tanggapan ni Punong Lunsod Vicente B. Amante at sa ilalim ng pangangasiwa ni City Adminstrator Loreto “Amben” Amante ay nakipag-ugnayan ang Lunsod ng San Pablo sa Regional Consular Office ng Department of Foreign Affairs (DFA) upang sa darating na Marso 7, 2009, araw ng Sabado, ay maisagawa ang pinag-isang proyektong Mobile Passporting Service para sa mga aplikanteng nagnanais ng beripikasyon at pagpoproseso ng kanilang mga passport.

Ipinababatid sa mga interesadong aplikante ng passport ay mangyaring kaagad na makipag-ugnayan sa Office of the City Legal Officer na matatagpuan sa One Stop Processing Center sa Lunsod na ito. Ipinapayo ng DFA Regional Consular Office na ang application form at mga dokumentong nararapat ilakip dito ay mangyaring kaagad na isumite sa naturang tanggapan ng City Legal Officer sa o bago sumapit ang Pebrero 10, 2009.

Ayon kay City Administrator Loreto Amben Amante, ito ay isang maganda at kapaki-pakinabang na proyekto ng lokal na pamahalaan sapagkat ito’y magiging malaking katipiran sa ating mga kababayan dahil mismong dito na sa ating lunsod magsisimula at magtatapos ang aplikasyon sa passport na karaniwang pinagsasadya sa Lunsod ng Lucena at Maynila, idagdag pa rito na ang NBI clearance at maging ang mga dokumentong hinihiling sa National Statistics Office ay pawang makukuha ng mabilisan sa kinauukulang tanggapan sa ating Lunsod. Pagpapatunay ito na hindi tumitigil ang pamunuan ni Mayor Vicente Amante sa pagkakaloob ng mga proyekto at programang makakapagdulot ng kaluwagan at kaginhawahan sa ating mga kababayan, pagtatapos ni City Admin Amben Amante. (Seven Lakes Press Corps/SB)

No comments: