Isang napakalaking sorpresa ang natanggap ng SEVEN LAKES PRESS CORPS (SLPC) buhat sa isang ahensya ng pamahalaan noong nakaraang Miyerkules na hindi natin inaasahan sapagkat priceless ika nga ito at walang katumbas kundi kasiyahan sanhi ng kaukulang pagpapahalaga nila sa ating samahan.
Ginawaran ng pagkilala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Regional Office 4-A ang ating grupo sa pamamagitan ng isang plake ng pagpapahalaga buhat kay RD J/S Supt. Norvel Mingoa sa Lucena City at iginawad ni San Pablo City District Jail Deputy Warden J/S Insp. Jerome Soriano.
Biro nga ni SLPC President Nani Cortez ay salamat sapagkat ito’y naiiba, dahil sa uri ng ating propesyon ay subpoena at madalas na patawag sa barangay ang ating
natatanggap.
Kung tutuusin ay wala namang pambihira sa ating ginawa at wala tayong pabor na naialay sa BJMP 4A kung hindi ang iulat sa bayan ang mga kaganapan sa nasabing tanggapan. Kung ano ang kanilang ginagawa upang makaangkop sa kanilang mandato, kung paano nila naisasakatuparan ang misyon ng tanggapan at ano ang kanilang papel bilang public servant.
Ang BJMP ay isa sa mga itinuturing na missing beat para sa mga mamamahayag. Hindi ito katulad ng iba pang ahensya na aminin man o hindi ng iilang “talipang mamamahayag” ay may dumarating na “intilihensya” linggo-linggo o kada buwan, in short ay walang pera dito kaya’t hindi gaanong napapansin ng mga talipang reporter.
Ito ang nakitang katayuan ng SLPC sa BJMP dahilan upang isama natin sila sa regular beat. Wala ngang pera dito ngunit sagana sa istorya para sa mga lathalain, sapagkat multi-talented ang mga alagad ng batas na naglilingkod. Saan ka ba nakakita na jailer na ay nurse pa, abogado pa, teacher pa, tagapayo at marami pang papel na ginagampanan sa pangangailangan.
Simple, low profile at hindi magarbo ang mga taga-BJMP ngunit para sa madlang kabatiran at sa mga hindi nakakaalam ay ang mga personnel dito ay dumaan din sa mahihirap na pagsasanay. Kung ano po ang pinagdaanang training ng isang pulis ay kapareho rin ng isang jailer sapagkat kapwa sila nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Interior and Local Government (DILG). Ang mga opisyales dito ay pawang nagsipagtapos din sa Philippine National Police Academy (PNPA) at ang ilang senior officers ay Philippine Military Academy (PMA) alumni.
Ano pa’t ilan lang ito sa mga kadahilanan kung kaya ang SLPC ay may lubos na pagpapahalaga sa ambag ng BJMP sa ating lipunan. Hindi lahat tayo ay maaaring maging doctor, abogado at lalong hindi lahat ay pwedeng magsasaka ika nga. Kailangang iba’t-iba ang ating papel tulad ng kakaibang tungkuling ginagampanan ng BJMP, na tinutupad nila ng buong katapatan. You deserve our trust. (SANDY BELARMINO)
Thursday, January 29, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment