Sa ginawang pag-aaral upang mailatag ang mga pamantayan sa katangiang kinakailangan ng isang mabuting lider na ginanap sa mga urban centers ng Estados Unidos, ay kakatwang wala sa hanay ng mga propesyunal ang sibulan ng mga magigiting, matatag at mapagkakatiwalaang pinuno ng sambayanan na kanilang masasandigan.
Lumitaw sa nasabing mga panayam na marami ang nag-uukol ng pansin sa mga tinatawag na taong karsada na higit na katiwa-tiwala, mas malakas at handang ipaglaban ang kanilang kapwa. Naniwala ang marami na ang breeding ng mga ito ang pinagmulan at pinagbubuhatan ng mga Mavericks o iyong may matitibay na paninindigan.
Ang problema nga lamang kung bakit wala sila sa larangan ng pulitika ay hindi sila nabibigyan ng angkop na pagkakataon!
Paano nga naman ba magkakaroon ng tsansa ang isang taxi driver, isang barbero, isang alagad ng batas o dili kaya’y isang tindero.
Gumulat sa marami ang pag-aaral na ito, na ang protesta ng mga propesyunal ay idinaan sa pananahimik. Subalit hindi naman ito nangangahulugang ang propesyon bilang doktor, inhenyero, abogado at iba pang pinaglaanan ng pagsusunog ng kilay ay lumitaw sa pagtataglay ng kahinaan, dangan nga lamang at waring lumutang ang mga blue collar sa naturang pag-aaral.
Sa isang lugar kung saan pinaniniwalaang may nagaganap na diskriminasyon ay katakatakang magkaroon ng ganitong resulta, na nagpapakita ng bukas na kaisipan at alalaon baga’y ang wagas na pagsasa-alang-alang sa true to life na kaganapan sa paligid ang kuminang.
Kabalintunaan ito sa atin sapagkat pinipilit nating mas maging Popist kaysa sa Pope sa Roma, mas accent conscious kaysa sa orihinal na English speaking countries, mas nagpapabihag sa mga intensyong hindi natin dating gawi at pansamantalang nalilimutang sa bandang hangganan ay kinakailangan nating magbalik sa reyalidad ng buhay.
Kung ang nasabing pag-aaral ay dito ginanap sa atin, marahil ay hindi ganoon ang kalalabasan sapagkat marami pa sa lahing kayumanggi ay alipin ng maling kaisipan na tinatawaran ang kanilang hanapbuhay sa pagdu-dugtong ng salitang LAMANG. Ako’y isang magsasaka lamang, isang titser lamang, isang driver o mekaniko lamang, na dala na rin ng ating likas na pagiging mapagpakumbaba.
Ngunit kasaysayan na ang nagtutuwid ng mga ganitong kamalian sapagkat sa ngayo’y may mga lider na tayong dating mangingisda, dating matadero, dating tsuper, mekaniko, alagad ng batas, embalsamador, street vendor, kawal at ipa pang hanapbuhay na tayo rin ang nagpapababa ng uri.
Unti-unti ay humahulagpos na tayo sa paniniwalang monopulyado ng mga abogado, doktor, inhenyero at ekonomista ang larangan ng serbisyo publiko sa dahilang may mga pagkakataong mas makislap ang kinang ng ibang kurso bukod sa kanila na nabigyan ng pagkakataon sa ating kongreso, senado o maging sa ehekutibong sangay ng ating pamahalaan.
Sa lalong madaling panahon ay muli tayong pipili ng mga lider na mamumuno sa atin. Muli tayong makaririnig ng mga retorika, na maaaring isang ekonomista ang may plataporma ng programang mag-aahon sa atin ngunit sa isang banda ay pakinggan din natin ang ipiniprisintang alternatibo ng isang street vendor sapagkat baka higit itong mas kapakipakinabang.
Posible ring bulagin tayo ng mga doctor, tabunan o gawing pundasyon ng mga balakin ng mga inhenyero, at lasingin ng mga abogado sa maraming pangako. Ang lahat ng mga ito ay walang garantiya ng katuparan kaya’t masusi nating pag-aralan. Lumingon tayo sa paligid sapagkat baka naman ang kanilang mga ipinanunukala ay may nakapagkaloob na.
Iwasan po nating tayo’y matanso sapagkat sa ngayon, ang kailangan nating mga lider ay yaong may puso, at lubos na nauunawaan ang sining ng paglilingkod.
Totoong nakalulugod sapagkat mapalad ang Ikatlong Purok ng Laguna sa pagkakaroon ng Kinatawang nagbubuhos ng tunay na damdamin para sa kanyang mga nasasakupan. Hindi man siya doktor, abogado, inhenyero at ano mang katawagang tinapos sa pag-aaral ay buong nagagampanan ni Congresswoman Maria Evita “Ivy” R. Arago ang kanyang tungkulin sa bayan.
Ang angking kasipagang tinataglay ay ang kanyang malaking puhunan. Hindi nagkamali ang mga San PableƱo at buong distrito, na buhat sa pagiging konsehala ng lunsod ay nahalal siyang kongresista na seryoso niyang isinaalang-alang sanhi upang mapili siyang isa sa mga Ten Most Outstanding Congressman ng tatlong magkakasunod na taon (2007, 2008, 2009) sa una pa lamang niyang termino.(SANDY BELARMINO)
Thursday, January 28, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment