Saturday, January 2, 2010

MGA PROYEKTO NI BM ALMARINEZ, PROVINCE-WIDE NA

Makaraang managumpay sa unang distrito ay nakatakdang palaganapin ng isang bokal ang kanyang mga proyektong nasimulan sa lahat ng purok ng lalawigan sa lalong madaling panahon.

Ito ang napag-alaman ng pahayagang ito sa eksklusibong panayam kay Board Member (BM) Dave Almarinez dito kamakailan.

Ang mga proyekto ay sumasakop sa kabuhayan, kalusugan at mga bagay na may kinalaman sa kapaligiran.

Sa ilalim ng pang-kabuhayang aspeto ng programa ni Almarinez ay ang libreng pagsasanay at scholarship sa mga nagnanais magtrabaho sa mga call center at mga pagawaang matatagpuan sa probinsyang ito.

Kasalukuyang isinusulong rin ng naturang bokal ang konseptong kanyang binalangkas sapul nang mahalal ukol sa kalusugan. Nakapaloob dito ang pamamahagi ng green card sa mga kapus-palad na kanilang magagamit sa mga emergency sa pakikiisa ng maraming doktor at mga pagamutang kasali sa proyekto.

Samantala ay kabilang sa proyektong pang-kapaligiran ang matagal nang kampanya ni Almarinez na pagtatanim ng puno na sa ngayo’y nakahikayat na ng maraming barangay at bayan sa pamamagitan ng mga kabataang mapagmahal sa kalikasan.

Inihayag ni Almarinez na kung napagtagumpayan ang mga proyektong ito sa unang distrito ay mas malaki ang pagkakataong lumaganap pa ang nasabing programa sa buong lalawigan.

No comments: