Friday, January 15, 2010

PAG-ASA

Dala ng election season ang mithiin ng bawat isang Pilipino na makapagtatag ng pamahalaang dalisay ang wangis na tuwirang tutugon sa lahat ng pangangailangan ng bayan sa susunod na matatalagang gobyerno.

Ang lahat ng mga naghahangad na magkaroon ng mandato buhat sa taumbayan ay naglalahad ng kanikanilang mga plataporma na maaaring ipatupad sakaling makuha ang pagtitiwala ng bayan at tuluyang maluklok sa katungkulan at kapangyarihan.

Bagama’t ang presentasyon ng hangarin ng marami nating mga pulitiko ay naipaparating sa atin sa pamamagitan ng retorika ay nakatutuwang isiping kinapapalooban ito ng mga balidong katwiran, mga makatotohanang panukala, at mga kapakipakinabang na mungkahi.

Ito ang mga kadahilanang kung bakit sa ngayon pa lang ay nagkakaroon na ng pagkakabaha-bahagi bunsod na rin ng maagang pagpapasiya ng mga manghahalal na nakikipagmartsa na sa panig ng mga nagtataglay ng mas malinaw na programang ipatutupad kung sakali mang papalaring magwagi.

Subalit mas nakararami sa mga botante ang pigil pa sa kanilang pagpapasya at tila masusing pinag-aaralan kung sinong mga kandidato ang lubusang pagtitiwalaan sa araw ng halalan. Sila ang tinatawag na swing vote na naghahatid ng sorpresang resulta ng halalan, at sila yaong mga sensitibo sa isyu na walang anu-ano’y lumilitaw sa panahon ng kampanya.

Sabihin mang magkaiba sila ng uri, ang una ay sarado na ang isipan at may pinal nang kapasyahan samantalang ang huli ay patuloy na nag-aaral at kapwa sila may taglay na pag-asa sa kanilang puso at isipan. At ito higit sa lahat ang nakalulugod – ang pananatiling buhay ang PAG-ASA. (Tribune Post)

No comments: