Friday, January 15, 2010

PERFORMANCE, MAHIGPIT NA KATUNGGALI

Hahatulan ang mga halal na opisyal ng bansa sa darating na May 2010 elections at masasabing magkakaroon ng malaking bentahe ang mga nagsitupad sa kanilang mga sinumpaang tungkulin nang walang pag-iimbot sa larangan ng serbisyo publiko.

Simple lang ang magiging batayan ng sentensya na posibleng kapalooban ng maraming bagay-bagay na may kaugnayan sa kanilang naging tungkulin subalit ang lahat ng ito ay magtatapos lamang sa kanilang mga ipinangako na ang magiging hangganan ay mga patunay ng katuparan.

Mapalad na maituturing ang ating mga incumbent officials na sa panahon ng kanilang paglilingkuran ay pawang kabutihan ng serbisyo publiko ang isinakatuparan sapagkat nakatitiyak na mayroon na silang pitak sa dibdib ng publiko at magiging seremonyal na lamang ang gagawin nilang kampanya.

Ang mga nagawa’t mga accomplishments ng isang public servant ang magiging barometro ng bayan upang muli silang pagtiwalaan at sa isng banda’y ang mga pagkukulang ang magsisilbing sukatan upang ang iba’y hindi na mabalik sa trono ng kapangyarihan. At ito ay kapwa batay sa parehas na pagsasaalang-alang.

Sumatotal nito ang magiging pinakamahigpit na katunggali ng isang challenger ay ang performance ng isang incumbent na kung nasa mataas na antas wika nga ay magpapaliit sa tsansa ng tagumpay ng challenger. Hindi nagwawagi ang pangako laban sa mga bagay na naipagkaloob na at tila mahirap ihambing ang susubukin pa sa isang may mga patunay na.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Hindi kinatigan ng Korte Suprema ang isang konsehal sa Lucena City sa katwirang ang suspension sa tungkulin ay may katumbas na karapatang ekstensyon sa tungkulin para sa pang-apat na termino. Magiging bahagi ito ng ating jurisprudence kapag naging pinal na ang hatol na lilinaw sa election laws.

Mahalaga ang desisyong ito sa nasabing lunsod sapagkat si Mayor Ramon Talaga ay nasa kaparehong sitwasyon. Ang sabi nga ni DOJ Sec. Agnes Devanadera ay tama lamang ang SC sapagkat baka maging daan ito upang gumawa ng kalokohan para masuspinde at nang makatakbong muli matapos ang third term limit.

Si Sec. Devanadera ay tatakbong kongresista ng 1st District laban kay incumbent Cong. Mark Enverga, samantalang si DENR Asec. Jayjay Suarez ay sa pagka-gobernador laban kay incumbent Gov. Raffy Nantes.


0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Sa Batangas ay muling maghaharap sina dating Gov. Arman Sanchez (NP) at incumbent Gov. Vilma Santos Recto (LP) sa pagka-gobernador para mapatunayan ang totoong itinitibok ng puso ng mga BatangueƱo. Si Executive Secretary Eduardo Ermita ay magbabalik bilang congressman ng unang distrito ng Batangas (nani cortez)

No comments: