Naging mabunga ang unang 100 araw ni Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago sa pagganap sa kanyang tungkulin sa ikalawang termino kung saan 13 panukalang batas na naihain sa kongreso ang sumailalim sa unang pagbasa ng plenaryo, bukod pa sa mahigit na 28,000 kababayan ang direktang natulungan ng kanyang tanggapan.
Sa mga nasabing house bills ay siyam sa mga ito ang personal niyang akda samantalang apat ang tinayuan niya bilang co-sponsor.
Kabilang sa kanyang mga bill na nagdaan na sa first reading at may kapakinabangang lokal na nagtatadhana sa mga mataas na paaralang San Vicente, San Benito, San Pablo City Science High School, Santa Felomina, Tuy-Boanan, Mabacan at Sto. Angel na gawing national high school upang ang gastusin ay malipat mula sa lokal na pamahalaan at maging sagutin na nang pambansang pamahalaan.
Sumailalim na rin sa first reading ang kanyang HB02212 na nagpapanukala sa pagtatayo ng District Skills and Training Center para sa mga out of school youth ng distrito, at ang maka-kalikasang HB02585 na maghihigpit sa mga barko o drilling rig upang pag-ingatan ang ating karagatan.
Co-author si Rep. Arago sa HB 00061(The New Central Bank Act), HB 03101(Budget 2011) bilang vice-chairman ng Committee on Appropriation, HR 00113 na nanawagang siyasatin ang multi-bilyong pisong kontrata sa LLDA at HR 00138 na nakikiramay sa isa nilang kasamahan.
Samantala, kahit naging abala sa mga gawain sa kongreso si Cong. Ivy ay hindi nakaligtaan ng kanyang tanggapan ang pagtugon sa kagyat na pangangailangan ng distrito. Sa loob ng unang 100 araw ay 1,300 pasyente ang kanyang naipagamot sa Philippine General Hospital, Philippine Children Medical Center, Philippine Heart Center, East Ave. Medical Center at National Kidney Institute sa kamaynilaan at sa Panlalawigang Pagamutan ng Laguna (PPL) Bay, PPL Nagcarlan, PPl Sta. Cruz, PPL Calamba, San Pablo District Hospital at San Pablo City General Hospital na may kabuuang gastos na P1,649,827.
Mula Hulyo a-uno hanggang Oktubre 8 ay 24,369 katao ang napagkalooban ng mambabatas ng libreng konsultasyon at gamot sa walang humpay na medical at dental mission sa bawat sulok ng distrito, 1035 sa Eye Camp kung saan 1,011 sa mga ito ang nabigyan ng libreng eyeglasses, 160 sa breast exam na sampu ang sumailalim sa mammogram at 446 sa eye screening kung saan 41 ang sumailalim sa cataract operation at 32 sa minor operation.
Ang Mobile Library ng kongresista ay nakapagserbisyo sa 486 school pupils at nakapagkaloob ng 323 school bags at 223 ang nabigyan ng notebook.
Patuloy pa rin ang scholarship program ng mambabatas para sa mga mahihirap na mag-aaral ng distrito sa pagkakahirang sa bagong 1,000 iskolar sa una niyang 100 araw sa tungkulin at sa kasalukuyan ay may 500 pang iskolar ang nagsasanay sa pag-aaral ng computer operation sa computer van aralan ng AiHu Foundation sa Victoria, Laguna.
Bagama’t halos natugunan na ni Cong. Ivy sa kanyang unang termino ang larangan ng pagawaing bayan ay may sumusulpot pa ring problema sa pagbaha sa ating mga lansangan, sanhi upang madaliin niya ang pagpapagawa sa mga drainage canal partikular sa kahabaan ng Maharlika Highway.
Humigit kumulang ay ganito naging kalawak ang produktibong unang 100 araw ni Rep. Arago sa dami ng natulungan, subalit ang pinakamalaki niyang accomplishment sa likod nito ay ang maipadama sa taumbayan na may pamahalaan tayong handang kumalinga at tumugon sa kanilang pangangailangan. (SANDY BELARMINO, vp-seven lakes press corps)
Saturday, October 16, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment