Tuesday, October 19, 2010

TRUTH COMMISSION?

May kahandaan ang truth commission upang masimulan ang mga gawaing iniatang sa kanila ni Pangulong Noynoy na nagnanais bigyang tuldok ang mga katanungang hindi nasagot ng lumipas na administrasyon.

Na sa paglalarawan nga ni PNoy ay isang administrasyong “nagbibingi-bingihan, nagbubulug-bulagan at madalas na lumikha ng sariling katotohanan.”

Subalit sa wari’y may mga hadlang pa upang makapagpatuloy sa gawain ang naturang komisyon, nandyan ang constitutionality nito na hanggang sa ngayon ay hindi pa napagpapasiyahan ng Kataas-taasang Hukuman na tila inuupuan lamang.

Kung ano ang saloobin ng Korte Suprema hinggil dito ay sila lang ang nakakaalam, sa kung gaano sila kabagal sa pagpapasya ay nasa kanila na ang angkop na paglilinaw, ganoon din naman sa kung bakit mabilis nilang napagpasiyahan ang paghadlang sa kongreso na huwag ituloy ang impeachment proceedings laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez?

Sakasakali man ay mayroon pa ring dapat harapin ang Truth Commission, at ito ay ang maitim na ulap na nakikita ng taumbayan sa pagkatao ng maumuno dito na si dating Chief Justice Hilarion Davide Jr., na ayon sa mga nagmamasid ay Yes Man ng nagdaang dispensasyon.

Ang tanong ng bayan ay paano kung mahawi na ang lambong ng dating administrasyon ay nandoon ang larawan ni G. Davide?

No comments: