Monday, October 11, 2010

TRAPIKO SA SM SAN PABLO, SINULUSYUNAN

San Pablo City, Laguna- Dahil sa bugso ng hindi inaasahang dami ng tao na dumagsa sa pagbubukas ng SM City San Pablo nang nakaraang linggo ay nakipagpulong ang SM Mall Management sa pamahalaang lunsod upang maibsan ang suliranin sa trapiko.

Kinatawan nina Lucena Mall manager Jason Terrenal at San Pablo mall manager Gabriel Timothy Exconde ang SM City sa pakikipag-dayalogo kina City Administrator Loreto Amante, San Pablo CPS-COP PSupt Ferdinand de Catro, PSAF head Col. Roberto Cuasay at mga tauhan ng DPWH at City Engineer’s Office.

Sa naturang pagpupulong ay tinalakay ang traffic situation at ang posibleng solusyon hinggil dito.

Bagama’t ang isang solusyon ay ang pagtatayo ng pedestrian overpass ay pansamantala itong isinaisangtabi habang wala pang aktwal na konstruksyon na nangangailangan ng mahabang panahon.

At sapagkat ang mga pedestrian ang pangunahing sanhi ng trapik ay natuon dito ang solusyon unang ipatutupad, sa paglalagay ng isang lane na tawirang pangangasiwaan ng mall management.

Magpapatupad din ng disiplina sa entrance at exit gate ng mall kung saan ipagbabawal ang pagpasok ng tricycle na siyang sanhi ng trapiko. Maaari lang payagan ang tricycle pumasok kung ang sakay o pasahero ay person with disability o iyong mga nagdadalang tao.

Samantala, ayon kay PR Officer Keno Moreno ay magtatayo ng terminal sa compound ng SM City upang higit na mapaglingkuran ang kanilang mga mamimili. Ang biyahe na maaaring sakyan ay mga byaheng Liliw, Tikew at Calauan, SM to SM Lipa, Sta. Rosa, Lucena at Cubao at ilan pang mga ruta na pinag-aaralan pa ni Terminal Manager Owen Alcantara.

No comments: