Tuesday, February 3, 2009

TRESORERYA ng LUNSOD, HINDI NAGPABAYA

San Pablo City – “Hindi ako nagpabaya”. Ito ang naging sagot ng ingat-yaman ng lunsod na ito sa bintang ni Senador Aquilino “Nene” Pimentel na may kapabayaang nangyari sa pag-iingat ng mga 2007 election documents na nakarating sa Commission on Elections (COMELEC) Central Office buhat dito kaugnay sa dinidinig na election protest ng nasabing tanggapan.

Ang protesta ay inihain ng anak ng senador na si Koko Pimentel laban kay Senador Juan Miguel Zubiri na mahigpit na nagtunggali sa ika-12 pwesto nang nakaraang senatorial election.

Sa panayam ng pahayagang ito kay City Treasurer Fredalyn Rubio ay nagbigay siya ng katiyakang intact ang mga dokumento hinggil dito sapagkat todo higpit ang kanilang ginawang pangangalaga sa mga ito, at aniya’y ikinalulungkot niya na madadamay ang intigridad ng kanyang tanggapan sa naturang protesta.

Una nang nagbanta ang senador na ipaghaharap ng sakdal ang tesorera sapagkat nabasa at pinasok ng tubig ang mga ballot boxes kung kaya naging imposibleng basahin ang mga laman nito ng mga kinauukulan sanhi upang maisantabi ito kaugnay sa protesta.

Nabatid mula kay Rubio na inilagak niya ang mahigit na 200 ballot boxes sa bakanteng kwarto ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP) kung saan mahigpit itong binabantayan at nalipat sa ika-4 na palapag ng Old City Hall Bldg. sa panahong kinailangan ng paaralan ang ispasyo dahil sa kakulangan ng silid-aralan.

Sinabi pa ni Rubio na ligtas ito katunayan aniya’y selyado ang naturang pinaglipatan. Idinagdag pa ng tisorera na wala siyang personal na kakilala sa mga nagtutunggali at ano mang insinwasyon ng pagsasangkot ay unfair sa tulad niyang career official ng pamahalaan. (NANI CORTEZ, Pres. Seven Lakes Press Corps)

No comments: