Wednesday, February 4, 2009

ANR, ANG MABISANG TUGON SA REPORESTASYON

Kapakipakinabang ang ibinunga ng isinagawang pag-aaral ng mga dalubhasa sa pang-gugubatan sa pamamagitan ng isang alternatibong pamamaraan ng reporestasyon na tinaguriang Assisted Natural Regeneration (ANR) sa kanilang tatlong experimental sites sa bansa.

Ang ANR na may pangunahing layuning tulungan ang pagbibigay buhay ng kagubatan ay proyekto ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nation, Forest Management Bureau (FMB) ng DENR at Bagong Pag-asa Foundation, Inc. ay nakatuklas ng mas murang teknolohiya upang mabilis na mapalago ang kagubatan sa bansa.

Sa kanilang mga project sites sa Limay, Bataan; Danao, Bohol at Sto. Tomas, Davao del Norte ay naging positibo ang ANR batay sa mga nakitang resulta ng mga eksperto. Higit na mabisa at mura ang naturang teknolohiya kung pagyayamanin na lamang ang mga tumubo na at mga sumusulay na halamang hindi makalago dahil naka-kanlungan ng makapal na damo tulad ng kogon.

Natuklasan ng mga siyentista na mas mataas ang survival rate ng punongkahoy sa ANR kaysa sa nakagawiang pamamaraan ng reporestasyon sapagkat hindi ito gaanong kumplikado at kinakailagan lamang na pispisin o alisan ng kogon ang paligid, mga halamang ligaw na siyang sumasagabal sa malayang pagtubo ng nasabing puno.

Dahil sa kaiga-igayang resulta sa kapaligiran ay idineklara ni Mayor Louis Thomas Gonzaga at Sangguniang Bayan ng Danao, Bohol na ANR Municipality ang kanilang bayan na kauna-unahan sa buong bansa. Kaugnay nito’y nananawagan ang alkalde ukol sa pagkakaroon ng wastong kaalaman sa ANR at kaukulang pagsasanay.

Hinahangad ng mga tagapagsulong ng ANR na makapagsanay ng inisyal na 200 katao sa kanilang tatlong project sites upang sa hinaharap ay lubusan itong lumaganap sa buong kapuluan sa pagtataguyod ng ANR-National Coordinating Office.

Ang mga personahe sa likod ng ANR ay sina Dr. Percy Sajise isang eksperto at consultant ng FAO, Assistant Director Neria Andin ng FMB, DENR, at sina Charles Dugan at Ernesto Cudaweng ng Bagong Pag-asa Foundations Inc. (NANI CORTEZ, Pres. Seven Lakes Press Corps)

No comments: