Katulad ng dulang mabilis ang takbo ng kasaysayan ay kinakailangan kong umagapay sa biglaang pagbabago ng pacing sa istorya sapagkat sa bawat pagpapalit ng tagpo ay kasing kahulugan ng madaliang pagsasara ng telon.
Bagama’t labis ang dalamhati ng may akda sa pagyao ni Chairman Noli “Bunso” Magsambol Jr. na isang mabuting kaibigan ay labis naman ang alalahanin ko sa pagkakaratay sa pagamutan dahil sa maselang na karamdaman ng kapatid ko sa binyag na si Chairman Boyeth “Kuya” Dioso. Na-stroke si Boyeth at bawat sandali ay nagdudulot ng sobrang pangamba.
Tapos na ang pitak na ito noon pang araw ng Miyerkules at ang buod ay may kasamang taimtim na panalangin ukol sa maaga niyang paggaling. Ang kailangan na lamang ay ang isumite ito sa palimbagan upang maging bahagi ng blogspot na ito.
Subalit kagya’t ng bawat tagpo sa dula ng buhay dahil sa habang naghihintay ng paglabas ng bakanteng oras upang ma-i-post ito ay isang nakakagimbal na balita ang gumalantang sa kasapian ng Liga ng mga Barangay Huwebes, habang lumulubog ang Haring Araw ay tuluyang pumanaw si Boyeth na tila hindi na kinayanan ang labis na hirap na dinaranas ng kanyang katawang lupa.
Hindi dapat magwakas ang kolum na ito sa puntong naghihirap ang isang itinuturing kong higit pa sa kapatid, sabihin mang ang nais ko’y makita siyang lagpas sa panganib. Sa pagkakataong ito’y hindi nanaig ang nais ko, manapa’y ang loob ng Poong Maykapal.
Katulad ni yumaong Noli “Bunso” Magsambol Jr. ay niloob ni Bathalang makapiling na si Kuya Boyeth Dioso sa Kanyang kaharian. Marahil ay higit sila Niyang kailangan. Nais ko mang tumutol ay wala nang magagawa sapagkat ang Panginoon na ang nangusap. Totoong mabilis nga ang pacing ng kwento na kahit sa kanyang pagwawakas ay wala nang masabi kundi: Paalam Kuya Boyeth, Paalam Chairman Dioso. (KAPATID SANDY BELARMINO)
Friday, February 13, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment