Wednesday, February 4, 2009

BAKIT MAS LIGTAS ANG TUBIG BUHAT SA SPCWD?

Marso nang nakalipas na taon ay naalarma ang Panlalawigang Tanggapan ng Red Cross, huli na upang magsisihan sapagkat nakasalalay ang buhay ng 1041 biktima ng typhoid fever sa Calamba City na bagama”t walang nasawi sanhi s maagap na pagkilos ng pamahalang lunsod ay 263 ang naging positibo samantalang 778 ang may sintomas ng naturang karamdaman.

Dahil sa pagka-deklara ng state of calamity ng lokal na pamahalaan sanhi ng outbreak, alistong galaw ng Calamba City Health Office, buhos pwersang pagtulong ng Department of Health Region 4A at pag-alalay ng Red Cross ay naapula ang paglala ng kalamidad na dulot ng karamdamang tipos.

Sa isinagawang imbistigasyon ng DOH batay sa water sample na kinuha ng grupo sa Calamba Water District (CWD) ay lumilitaw na kontaminado ang tubig at ang Chlorine content ay kulang sa pamantayang ipinasusunod, na mariing pinasinungalingan ng Cwd sapagkat anila’y mataas ang uri ng tubig na kanilang pinadadaloy sa mga customer.

Magtalo man sila, lumitaw man o hindi ang may kasalanan ay iisa ang nakatitiyak – may nalikha itong pinsala sa walang muwang na taumbayan.

Sa sitwasyong ganito ay mahirap magbakasali kung kaya’t upang makagawa ng special report batay sa pagmamatyag sa mga water district sa lalawigan ay sana’y magsilbing ulat ang artikulong ito. Pinakamalinaw ang paliwanag at kayang arukin ng mga walang kaalamang teknikal ukol sa ligtas na inuming tubig ang naging bunga ng panayam ng pahayagang ito mula sa mga taga San Pablo City Water District (SPCWD). Sila ang ating itatampok.

Makabago at may modernong kagamitan ang laboratoryo ng SPCWD na siyang sumusuri sa kalidad ng tubig na ating ginagamit sa ating mga tahanan. Tubig na ipinanlilinis, ipinanlalaba, ipinanliligo, ipinanluluto at ang pinakamahalaga sa lahat, tubig na iniinom. Sa laboratoryong ito nakasalalay ang kalusugan ng mga taga San Pablo. Ganyan ito kahalaga.

Sa loob ng nasabing laboratoryo ay nandoon ang mga dati ng equipment tulad ng thermo autoclave model 4 at model 16 at isang unbranded na bagama’t luma na’y nagbibigay pa rin ng mapagkakatiwalaang resulta ng pagsusuri, at karagdagang kagamitan bilang tugon sa lumalawak na sakop ng pinaglilingkurang customer. Ito’y kinabibilangan ng Binder/digital heavy duty sterilizer, Napco model 8000 autoclave at thermo scientific steamer na nagkakahalaga ng P500-Libo sa kabuuan. Iisa ang ibig ipakahulugan ng lahat na ito, ayaw ng SPCWD na ipag-bakasakali ang kalusugan ng mga mamamayang San Pableño.

Masusi at buong tiyaga ang pagsasagawa nina Ms. Porcia Esteban ang Officer-In-Charge ng SPCWD Laboratory at Ms. Myrna Rada, Chemist ng Bacteriological Analysis ng water sample buhat sa ibat-ibang sample points at mga paaralan gamit ang Multiple Tube Fermentation Technique. Isa ito sa mga tanggap na pamamaraan na sinasang-ayunan ng mga otoridad sa kalusugan.

Ito ay sapagkat ang nasabing pamamaraan ay kayang mag-analisa sa kabuuang coliform at fecal coliform bacteria. Ang huli ay uri ng bacteria na siyang dala ng dumi ng tao na lubhang mapanganib sa kalusugan. Nagdudulot ito ng pagsusuka at pagtatae na kung hindi maaagapan ay hahantong sa tipos na umaatake sa nervous system ng nagkakasakit ng ganito.

Masasabing mapalad ang mga San Pableño sapagkat nakasisigurong may mataas na kalidad ng tubig na lumalabas sa kanilang gripo. Regular na sinusuri ng SPCWD ang water smple sa ibat-ibang lugar ng kanilang area of responsibility at linggo-linggo ay isinusumite nila ang resulta sa Sangguniang Panlunsod at sa City Health Office.

Hindi kataka-taka na sa loob ng 35 taong paglilingkod ng SPCWD ay kailan ma’y hindi naging banta sa kalusugan ng taumbayan ang tubig na dumadaloy sa kanilang mga tubo.

Kung nagagawa ito ng SPCWD, marahil ay panahon na upang ang iba pang pinangagalingan ng inuming tubig tulad ng bottled mineral water ay obligahin na rin ng SP at CHO na regular na magpasuri ng kanilang kalakal. Huwag kayong magkasakali. (NANI CORTEZ/President, Seven Lakes Press Corps)

No comments: