Sa anumang larangan ay lubhang napakahalaga ng pangako sa dahilang ito ang sandigan ng kinabukasang maaaring kaharapin ninuman. Ito rin ang batayan ng lahat sa kasalukuyan upang magbalangkas ng magandang bukas.
Ang kaparaanang ito ang ginagamit ng lahat sa pagsasakatuparan ng kanilang balakin, na ang tagumpay o kabiguan ay batay na rin kung ang planong ito ay mahigpit na maisasakatuparan. At wala sanang problema kung ang pangakong ito ay sinambit ng isang tao sa kanyang sarili o sa antas ng indibidwal na kapasidad.
Nagkakaroon lang ng suliranin ang isang pangako kung ito ay sa pagitang ng dalawang katao, sabihin mang may kontratang nilagdaan, kung kaya nga’t may mga sumbong sa ating mga hukuman na Breach of Contract na ibig sabihin ay in bad faith na hindi tinupad ng isang panig ang kanyang pangako.
Ito ay kung may kontrata. Ang tanong ay paano kung wala? Ala eh, patay kang bata ka, na ibig sabihin ay magpahinog ka na lang! May solusyon rin namang katapat ito, ang huwag nang paniwalaan ang lumason ng inaasam mong bukas. Simple lang, dahil unfair namang in good faith na tinupad mo ang iyong papel subalit sa isang banda ay may nagbalasubas.
Karaniwang nangyayari ito sa pulitika, sa pagitan ng isang kandidatong panay ang pangako at mga pinangakuang taumbayan. Ganito ang ginawa sa atin ng ating mga konsehales at Vice-Mayor noong nakaraang halalan. Nangako sila at naniwala tayo, kaya nga sila naluklok sa tungkulin.
Ang tanong ay tumupad ba sila sa pangako? SANA! Pwede ba natin silang isumbong sa hukuman? SANA! Ngunit hindi maaari sapagkat walang nalagdaang kontrata. May paraan pa ba? MERON at ito’y huwag na silang paniwalaan sa muling pagharap nila sa bayan, at ito’y malapit na.
Ngayon pa lang bayan ay magtalino at pumili na kayo ng ipangpapalit sa mga pulitikong ito. Huwag na ninyong pansinin ang ginagawa nilang pagpapa-cute, pagmamano, pagkakabit ng mga pagbati at pagpapa-pogi sa pamamagitan ng streamer at tarpaulin, pagpapasayaw at pag-attend sa iba’t-ibang okasyon ng barangay, sapagkat kung nagawa nilang sumira sa pangako, muli’t muli nilang magagawa ang ganitong gawain sapagkat para sa ilan nating mga konsehales at Vice Mayor, ang pangangakong hindi tinutupad ay masasabing kasanayan na nila. Sabi nga sa radio ay “BISYO NA ‘TO” kung kaya’t huwag na natin silang ihalal muli.(SANDY BELARMINO/Vice-President, Seven Lakes Press Corps)
Sunday, February 22, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment