Palibhasa’y magkaibigan ang aming mga ama ay hindi naging mahirap sa aming dalawa ang pagkakaibigang ito lalo pa’t halos iisa ang aming naging karanasan na kapwa maagang naging ulila, na sa panahong nabubuhay pa ang aming mga tatay na parehong lingkod bayan ay kapwa rin kami naging laging saling-pusa sa mga usapang pampulitika.
Anlahoy, anlahoy, anlahoy! Mas umigting ang aming samahan kapag panahon ng kampanya nitong mga huling halalang nagdaan dahil nabigkis kami ng iisang paniniwala sa pagsama sa isang kandidatong aming sinusuportahan. Hindi dito nagtapos ang aming samahan sapagkat pareho pa rin ang bakurang aming pinuipuntahan matapos ang nasabing halalan.
Walastik! Maraming mga naging saksi na sa kalauna’y mga naging kaibigan na rin naming tulad nina Chairman Fando de los Santos, Chairman Boyet Dioso at halos lahat ng karamihan ng punong barangay. Bilang media man ay kasama pa rin niya ako sa mga pagpupulong ng Liga ng mga Barangay palibhasa nga’y iisa ang aming idol na pangulo ng liga – si ABC President Gener B. Amante.
Ala eh, kung sasariwain ang lumipas ay masasabing napakahirap paniwalaang maging isang posibilidad ang pangyayari. Ang pamilya niya ay “Nacionalista” samantalang ang pamilya ko’y “Liberal” ngunit tulad ng mga tatay namin ay hindi naging sagwil sa pagkakaibigan ang partidong pulitikal ay wala ring naging hadlang upang kami’y maging matalik na magkaibigan.
Siya ang humimok sa akin na sumama sa kampo ni dating City Mayor Cesar P. Dizon sa congressional election noong 1998 na lalong nagpatibay sa aming samahan. At mula noon ay hindi na kami nagkahiwalay na hanggang maluklok siyang chairman ng San Gabriel ay mga indigent niya sa barangay ang aming tulay na kadalasang itinatawag niya upang aking alalayan.
Noong Miyerkules, Pebrero 4 dakong tanghaling tapat ay nagimbal ang liga ng mga barangay sa kanyang pagpanaw. Isa ako sa mga ayaw maniwala hanggang sa makita ang kanyang mga labi. Napakahirap tanggaping sa edad na 37 ay wala na si Noli “Jun-Jun” Magsambol Jr. ang ating kaulayaw. Sa malik-mata’y naibulong kong: Bunso, gising! lubhang maaga pa upang ika’y humimlay. (SANDY BELARMINO)
Thursday, February 5, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment