Tuesday, December 30, 2008

PINOY, BUHAY ANG PAG-ASA

Bagama’t nakaamba sa bansa ang krisis pang ekonomiya ng buong daigdig ay minsan pa’y lumitaw ang tibay sa paninigawala ng mga Pilipino sa kanilang kakayanan na kakayaning mapaglabanan ang anumang darating na maaaring makaapekto sa kanilang buhay. Sa mga pinakabagong pagkakataon ay pinatunayan ito ng mga talang nakalap ng iba’t-ibang ahensyang may kinalaman sa pag-aaral ng pulso ng taumbayan.

Halos pito sa bawat sampung Pinoy ang naniniwalang masaya ang paskong darating sa kanila sa pag-aaral na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) bago sumapit ang yuletide season. Ang apirmatibong resulta ng survey ay nakatutuwa sapagkat sa kabila ng maraming kasalatan sa buhay ay naging positibo pa rin ang isinasaisip ng bawat mamamayan.

Sinasabi ng mga dalubhasa na kapag may positibong pagtingin ang tao sa isang bagay ay ito ay nag-aambag ng malaki upang ang isang nilalang ay magsikap, na kadalasa’y nagpapagaan sa kanilang dalahin gaano man ito kabigat. Ganito ang naging kapalaran ng pito sa bawat sampu na kaya nilang sumaya sa araw ng pasko.

Sa isang banda ay ano naman kaya ang kinahinatnan ng tatlong negatibo? Marahil ay tulad ng kanilang inaasahan na hindi nila kayang sumaya’t lumigaya sa araw ng pasko, na natanim sa kanilang paniniwala ay kalungkutan ang kanilang kinasapitan. Malamang ito kaysa sa hindi.

Subalit tila natuto na rin ang karamihan sapagkat sa pinakahuling pag-aaral ng Pulse Asia ay 92% ng mga Pinoy ang umaasang may posibilidad na gumanda ang takbo ng kanilang buhay sa taong 2009, kumpara sa 8% na may kabaligtarang paniniwala. Ito ay isang napakagandang resulta sapagkat ang kahulugan nito’y 92 sa bawa 100 katao ang buhay na buhay ang pag-asa.

Malaking tulong ito bilang panuntunan nating mga Pilipino, dahil tanging ang pag-asa ang nagpapagalaw sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Ang pag-asa ay may kakaibang motibasyon sa ating adhikain at pangarapin sa buhay sapagkat ito ang nagsisilbing kadluan ng sigla kung kaya nga’t napaglalabanan natin ang alin mang unos.

Sa kasukdulan ay motibasyon ang nagbibigay lakas sa tao upang maging matatag na parang punong kawayan, na bagama’t humahapay sa bugso ng hangin ay madaling nakababalik sa kanyang pagkakatayo. Ito ang simbolo ng lahing kayumanggi na hindi basta-basta sumusuko, na siyang angking katangian nating mga Pinoy.

Kaya’t mangarap ka Pinoy at buong tatag na ito’y isakatuparan sa pamamagitan ng pagsisikap. Panatilihin mong buhay ang pag-asa dahil ito ang tanging sandata na maipanlalaban mo sa anumang krisis. Ipamalas mo sa mundo na handang-handa ka, Pinoy. (NANI CORTEZ/Pres. Seven Lakes Press Corps)

No comments: