Friday, December 12, 2008

BAKIT MAY TAKOT SA PRIVILEGE SPEECH NI DANNY YANG?

Sa wakas ay natuloy rin ang special session ng Sangguniang Panlunsod (SP) noong Huwebes, Disyembre 11 makaraang ma-postpone sanhi ng adjournment ng mga regular sesyon nang nakalipas na Nobyembre 25, Disyembre 2, Disyembre 9 at special session noong Disyembre 4.

Marami tuloy ang nagtatanong kung bakit hirap na hirap makabuo ng quorum ang SP nang mga panahong iyon, lalo pa’t santambak ang mga panukalang kinakailangang mapagtibay para sa 80 barangay ng lunsod. Sari-saring kuro-kuro ang naglitawan at may mga grupo ng taumbayan ng nag-iisip na ipagsakdal ang SP sa hukuman sapagkat ito’y malinaw na dereliction of duty.

May pagkakataon pang may quorum talaga ang sanggunian particular noong Nobyembre 25, subalit ayon sa mga nakasaksi ay may dalawang konsehal na nagkulong na lamang sa kanilang tanggapan upang huwag makabuo ng tamang numero upang makapag-sesyon. Kung ano ang kadahilanan ng dalawa ay maaaring malalim na marahil ay may kaugnayan sa nakatakdang ganapin nang araw na iyon.

Naka-schedule na bigkasin noon ni Kon. Danny Yang ang kanyang privilege speech na magbubunyag sa natuklasan niyang lihim tungkol diumano sa kotongan sa sedera nang nakalipas na Enero. Sinasabing ang pagbubunyag na ito ang karugtong ng nauna niyang malayang pamamahayag kung saan itinatanong niya kina Vice-Mayor Martin Ilagan kung magkano ang halagang sangkot sa naturang extortion-bribery.

Public record naman kung sino-sino ang present sa hindi natuloy na sesyon noong Nobyembre 25, kaya madali nang tukuyin kong sino ang dalawang konsehal na sadyang hindi pumanhik sa session hall, na ayon sa mga nagmamasid ay posibleng sangkot sa ibubunyag ni Yang. Sariwa pa rin sa isipan ng mga nakakita sa dalawa nang araw na iyon ngunit absent sa talaan ng sanggunian secretariat.

Ano pa’t magic date na matatawag ang petsang Nobyembre 25 sapagkat simula noon ay sunod-sunod ng hindi makabuo ng auorum ang SP na tila may natatakot na magkaroon ng regular session upang huwag mabigkas ni Yang ang nasabing privilege speech. Bukod sa dalawa ay may mga naghihinalang may iba pang sangkot sa nangyari diumanong extortion-bribery sa sedera.

Buong tiyagang nagmamatyag ang bayan sa darating na Martes, December 16, araw ng regular sesyon, ay buong kapanabikang hinihintay kung matutuloy na ang privilege speech ni Yang na diumanoy parang bombang sasabog na mag-aalis ng maskara sa iba pang sangkot sa kurakutan sa sedera noong Enero taong kasalukuyan. (SANDY BELARMINO)

No comments: